Calendar
Mga senador itinulak ang ayuda, rehab para sa quake-hit Mindanao
ITINULAK ng mga senador ang relief at rehabilitation efforts para sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude-7.8 na lindol sa Mindanao.
Kabilang ang food aid, cash assistance, school repairs at disaster preparedness sa mga ipinanukalang tulong ng mga senador.
Bumisita si acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, kasama sina Sens. Erwin Tulfo, JV Ejercito at Juan Miguel “Migz” Zubiri, sa mga komunidad na tinamaan ng lindol sa Sarangani at General Santos City upang alamin ang extent ng pinsala.
Nag-abot ang grupo ni Gatchalian ng P2.5 milyong cash assistance at mga sako ng bigas sa mga apektadong pamilya sa General Santos City at sa mga bayan ng Alabel, Glan, Kiamba, Maasim, Maitum, Malapatan at Malungon sa Sarangani.
Nangako ang Senate majority bloc na magbibigay ng tig-isang buwang suweldo upang suportahan ang relief at recovery efforts sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.
“Ang importante magamit natin agad ang mga pondo na ito dahil marami tayong kababayan na apektado at nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno,” pahayag ni Gatchalian.
Bumisita naman si Sen. Bam Aquino sa Mindanao State University–General Santos campus upang suriin ang pinsalang dulot ng lindol at makipagpulong kay Chancellor Shidik Zed Abantas at iba pang opisyal ng unibersidad at mga estudyante.
Nauna nang humingi ng tulong si Abantas mula sa national government matapos tantiyahin na umabot sa P900 milyon ang pinsala sa imprastraktura ng unibersidad.
“Mamadaliin namin na mabayaran iyon para magamit kaagad ng MSU sa pagsasaayos ng kanilang mga gusali at pasilidad,” dagdag ni Aquino.
Nag-abot din si Aquino ng relief goods at iba pang tulong sa mga lokal na pamahalaan at non-government organizations.
Nagpadala si Sen. Mark Villar ng mga sako ng bigas at inuming tubig para ipamahagi sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan ng General Santos City.
Handa daw ang tanggapan ni Villar na magbigay ng karagdagang tulong at patuloy na makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at kinauukulang ahensya.
Namahagi si Sen. Risa Hontiveros, kasama ang SENTRO GenSan at Akbayan Youth GenSan, ng hot meals sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng lindol sa Dr. Jorge P. Royeca City Hospital sa General Santos City.
Layunin ng meal distribution na magbigay ng agarang suporta sa mga apektadong komunidad habang nagpapatuloy ang recovery efforts.
Sinabi naman ni Senador Robin Padilla na ipinakita ng lindol ang pangangailangang palakasin ang reserve force at disaster-response capabilities ng bansa.
“Ang trahedyang nangyari sa General Santos at mga karatig-lugar ay nagpapaalala sa atin na ang seguridad ng bansa ay hindi lamang tungkol sa mga banta mula sa labas,” pahayag ni Padilla.
Itinutulak ni Padilla ang pagpasa ng Senate Bill No. 617, o panukalang ROTC Act, na dapat magsama ng training sa disaster response, relief operations, search and rescue at iba pang emergency skills sa mga mamamayan.

