Tulfo

Tulfo sa kapwa senador: Magkaisa, labanan gutom, kahirapan ng mg Pilipino

50 Views

WALANG pinipiling kulay ang gutom, ang mahal na pagpapagamot, at ang kahirapan. Ano pa man ang panig na sinusuportahan ninyo.”

Ito ang mariing pahayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo habang nananawagan sa kanyang mga kasamahan sa Senado na magkaisa muli sa gitna ng mga nagaganap na hidwaang pampulitika.

Sa isang panayam sa radyo, binigyang-diin ni Tulfo na dapat lampasan ng pamumuno ang usapin ng kulay at partido para matugunan ang mga problemang dulot ng krisis tulad ng gutom at healthcare access.

“Paano natin reresolbahin ang mataas na presyo ng mga bilihin at mababang kita? Hindi na ito usapin ng pagpanig sa kahit kanino dahil lahat tayo ay nakakaranas ng taas ng presyo ng bilihin,” ani Tulfo.

Anang mambabatas , “Ang Marcos loyalist, Duterte Supporters, at Leni followers ay pare-parehong nakakaranas ng problema sa bilihin, pagpapagamot, edukasyon, at iba pa.”

“Lahat tayo ay Pilipino. Iisa ang problema natin. Sa tingin ba natin ang mga taga-suporta ng isang partikular na grupo ay nakakabili ng mas murang bilihin? Hindi. Pare-pareho tayong bumibili ng pagkain, gasolina. Kaya kung lulubog ang bangka, lulubog tayong lahat,” dagdag pa ng Senador.

Dumaing din si Tulfo na sa panahon ng krisis, ang mga pinuno ng bansa ang dapat na nagbubuklod at hindi nagwawatak-watak sa mga Pilipino.

“Itigil na natin ang mga alitan na ito. Habang patuloy nating pinag-uusapan ang sitwasyong ito, lalo lang nating hinahati hindi lang ang Senado, kundi pati ang mga Pilipino,” giit niya.

Dahil dito, muling umapela si Tulfo sa Senado na ituon ang pansin sa kanilang mandato sa paggawa ng batas, aniya: “Huwag na nating tingnan ang mga kulay dahil iisa lang ang ating mga problema. Dapat tayong magtulungan kung talagang mahal natin ang ating mga kababayan.”

Matatandaang nauna nang nanawagan ang senador sa kanyang mga kasamahan na manatiling magkaisa para sa interes ng publiko.

“Magbalangkas na ng mga batas, mag-imbestiga sa mga iregularidad nang walang kinatatakutan, at unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino. Ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pag-atras sa laban; ito ay ang pagsasama-sama ng ating lakas upang protektahan ang sambayanan,” pagtatapos ni Tulfo.