Improper remarks ng senator-judge maaaring i-refer sa Senate ethics panel

21 Views

MAAARING i-refer sa Senate Committee on Ethics and Privileges ang isang senator-judge dahil sa umano’y unparliamentary language o asal sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung may magtaas ng isyu at sang-ayunan ito ng presiding officer, ayon sa tagapagsalita ng impeachment court.

Sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol matapos ang ika-19 na araw ng paglilitis noong Miyerkules na nananatiling sakop ng Senate rules sa unparliamentary behavior at language ang mga senator-judge habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa impeachment court.

“Kapag may any senator judge na lumabag nun, that senator judge can be subjected to ethics committee na sanction,” sabi ni Tongol.

Ayon kay Tongol, maaaring i-raise ng counsel sa floor ang pananalita o kilos ng isang senator-judge na itinuturing nilang intemperate o unparliamentary.

Kung sang-ayon si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na may batayan ang isyu, sinabi ni Tongol na maaari niyang iutos ang referral sa Senate ethics committee.

“Kapag hindi siya nag-agree then papatayin niya na yung issue on the floor, right then and there,” sabi ni Tongol.

Maaari ring magtaas ng ganitong usapin ang kapwa senator-judge, ayon sa kanya.

Nang tanungin kung maaari ring magreklamo ang publiko, sinabi ni Tongol na maaaring magtaas ang sinumang tao ng sinasabing paglabag sa ethical duties ng isang senador sa ilalim ng Senate rules.

Tinukoy niya ang Rule 34, Sections 93 hanggang 96 ng Senate Rules bilang mga probisyong maaaring gamitin kung may makita umanong impropriety sa kilos o pananalita ng isang senator-judge.

Ang paliwanag ni Tongol ay kasunod ng ruling ni Escudero na nagpaalala sa mga senator-judge tungkol sa kanilang asal at pananalita habang nagtatanong sa impeachment trial.

Sa ruling, sinabi ni Escudero na maaaring magtanong ang mga senator-judge upang linawin ang testimonya at subukan ang ebidensiya, ngunit dapat manatiling relevant, material at fair ang kanilang pagtatanong.

“Henceforth, I hope Senator Judges shall refrain from unparliamentary remarks, personal attacks, imputations of improper motive, and other language incompatible with the dignity of these proceedings,” sinabi ni Escudero sa ruling.

Sinabi rin ni Escudero sa ruling na inaasahan sa mga senator-judge ang impartiality habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang mga humahatol sa impeachment case.

Hiwalay sa Senate rules sa parliamentary conduct ang Rule 18 gag rule na inilatag din sa ruling.

Sa ilalim ng Rule 18, ipinagbabawal sa mga sakop nitong kalahok ang paggawa, pagbabahagi, pag-endorso o pagpapalaganap ng public statements tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment case.

Kasama sa mga sakop ng rule ang presiding officer, senator-judges, prosecutors, respondent, counsel of record at mga testigong sakop ng ruling.

Para naman sa sinasabing unparliamentary language o conduct ng isang senator-judge sa proceedings, sinabi ni Tongol na Senate rules at ethics procedures ang maaaring gamitin.

Nilinaw din niyang mas pinipili ng impeachment court na hindi kusang maghanap ng mga posibleng paglabag at hintaying i-raise ang mga ito ng mga partido.

“The preference of the impeachment court is that it sits as a passive body, that those kinds of issues should be raised by both parties,” sabi ni Tongol.

Walang tinukoy si Tongol na senator-judge na napatunayang lumabag o kasalukuyang nahaharap sa ethics sanction kaugnay ng ruling.