NBI SOURCE: Larawan mula sa NBI

Ina pinag-live online sex mga anak, pamangkin; 6 na biktima nasagip

28 Views

ARESTADO ang isang babae sa Bislig City, Surigao del Sur matapos umanong gamitin ang sarili niyang mga anak at menor de edad na pamangkin sa online sexual exploitation, ayon sa National Bureau of Investigation.

Nasakote ang suspek noong Abril 30 sa operasyon ng NBI-Human Trafficking Division sa bisa ng paglabag sa Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Nag-ugat ang kaso sa referral mula sa Australian Federal Police matapos maaresto ang isang Australian national na sangkot umano sa human trafficking. Sa imbestigasyon, natuklasang nakikipag-ugnayan ito sa suspek sa pamamagitan ng Facebook.

Lumabas sa digital evidence, kabilang ang chat logs at financial records, na tumatanggap umano ng bayad ang babae kapalit ng pagpapasilip sa live online sexual exploitation ng kanyang mga anak at mga menor de edad na pamangkin.

Matapos ang surveillance sa isang liblib na barangay, nagsagawa ng operasyon ang NBI katuwang ang lokal na social welfare office at Department of Justice, kung saan nakumpiska ang mga gadget na naglalaman umano ng child sexual abuse materials.

Dahil dito, agad na inaresto ang suspek at nasagip ang anim na menor de edad na biktima, na ngayon ay nasa pangangalaga na ng mga awtoridad habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa akusado.