Calendar
Jinggoy: Panukalang batas palalawakin kapangyarihan ng BSP sa pagsiyasat ng kahina-hinalang deposito
SA gitna ng muling pag-init ng usapin hinggil sa korapsyon at mga krimeng pinansyal, naghain si Senator Jose “Jinggoy” Estrada ng panukalang batas na magpapaluwag sa ilang probisyon ng Bank Secrecy Law upang pahintulutan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siyasatin ang mga bank deposit na may malinaw na indikasyon ng pandaraya o iba pang iligal na gawain.
Layunin ng Senate Bill No. 1047 na amyendahan ang Republic Act No. 1405, o ang Secrecy of Bank Deposits Law, upang magtakda ng malinaw at limitadong mga eksepsyon na magbibigay-daan sa BSP, sa ilalim ng kaniyang supervisory powers, at sa mga hukuman na siyasatin ang mga account na iniuugnay sa panunuhol, pandaraya, money laundering, at iba pang seryosong krimeng pinansyal.
“Hindi dapat sinasangkalan ang bank secrecy para gumawa ng kalokohan. Kung may malinaw na dahilan ang BSP para maghinala na may katiwalian o iligal na gawain, dapat may kakayahan itong silipin ayon sa batas,” ani Estrada.
Ayon sa panukala, maaari lamang magsagawa ng pagsusuri ang BSP kung may sapat na batayan na may naganap o nagaganap na pandaraya, seryosong iregularidad, o iligal na aktibidad, at kung kinakailangan ang pagsisiyasat upang mapatunayan ang naturang gawain. Ang anumang pagsusuri ay kinakailangang aprubado ng Monetary Board ng BSP at gagamitin lamang para sa opisyal na layunin, kabilang ang imbestigasyon ng mga krimeng pinansyal at mga saradong bangko.
Nagtatakda rin ang panukala ng mga safeguard upang maiwasan ang pang-aabuso. Hindi maaaring siyasatin ang mga bank account sa panahon ng eleksyon kung makapipinsala ito sa sinumang kandidato. Mananatiling protektado ang mga pondong naideposito bago pa maging epektibo ang batas, at ang resulta ng anumang pagsusuri ay hindi maaaring basta-basta ibunyag, maliban kung pahihintulutan ng Monetary Board para sa pagsasampa ng kasong kriminal.
“Ang mga safeguard na ito ay nagsisiguro na hindi magagamit ang batas sa pampulitikang paninira, habang hindi rin nagiging kanlungan ng katiwalian ang bank secrecy,” ani Estrada.
Saklaw ng panukalang amyenda ang parehong peso at foreign currency deposits, kabilang ang mga deposito sa offshore branches ng mga lokal na bangko. Nakasaad din sa panukala na hindi mananagot ang mga bangko at opisyal na tutupad sa utos ng BSP, habang ipinagbabawal ang hindi awtorisadong pagbubunyag ng impormasyon at ang paggamit ng batas para sa pampulitikang panunupil o paninira sa kalakalan at negosyo.
Katulad na mga panukala ang inihain na rin sa mga nakaraang Kongreso, kasabay ng panawagang iayon ang mga patakaran ng bansa sa pandaigdigang pamantayan laban sa money laundering at iba pang krimeng pinansyal.

