Pagasa Satellite image ng Super Typhoon Nando mula sa PAGASA Source: PNA

Kaligtasan ng mga Pinoy kay ‘Nando’ prayoridad ng Pangulo

515 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko nitong Lunes na naka-full alert ang mga ahensya ng gobyerno at handang tumugon sa epekto ng Super Typhoon Nando, sa gitna ng malalakas na hangin at katamtamang pag-ulan na naranasan sa ilang lalawigan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigpit na mino-monitor ng Malacañang ang epekto ng super typhoon sa mga probinsiya, dahilan upang paigtingin ng pamahalaan ang pagbabantay at koordinasyon sa mga lokal na opisyal.

“Nakatanggap tayo ng mga ulat mula sa iba’t ibang probinsiya ukol sa Bagyong Nando. Malalakas ang hangin na nararanasan, ngunit sa ngayon ay hindi pa malakas ang ulan,” sinabi ng Punong Ehekutibo.

Ayon sa report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Lunes alas-11 ng umaga, ang sentro ng Super Typhoon Nando ay nasa 110 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan, taglay ang pinakamalakas na hangin na 215 kilometers per hour (kph) at bugso na umaabot sa 265 kph.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kph.

Nagbabala ang PAGASA na “life-threatening conditions are imminent over the northern portion of Northern Luzon as ‘Nando’ approaches the Babuyan Islands” malapit sa Batanes.

Sinabi ng Pangulo na naisagawa na ang preemptive evacuation sa mga bulnerableng lugar, at nakikipag-ugnayan ang mga lokal na pamahalaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang kaugnay na ahensya upang agad matugunan ang pangangailangan ng evacuees.

“May mga isinagawang preemptive evacuation at tinutugunan agad natin ang pangangailangan ng mga nasa evacuation centers,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na patuloy na binabantayan ng pambansang pamahalaan ang sitwasyon at handa itong magpadala ng agarang tulong anumang oras, sa layuning tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad na apektado ng bagyo.

“Mahigpit nating mino-monitor ang sitwasyon, at naka-alerto ang lahat ng ahensya ng pamahalaan upang makapagbigay ng tulong saanman at kailanman kailanganin,” ani Pangulong Marcos. PND