Rally Ilan sa mga nahuli sa kilos-protesta sa Maynila noong Linggo. Kuha ni JON-JON C. REYES

Yorme Isko: 216 rioters arestado

336 Views

INIHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na umabot sa 216 na rioters, 127 rito ang nasa hustong gulang at 89 na menor de-edad, ang nadakip ng pulisya na sangkot sa panggugulo sa isinagawang kilos-protesta araw ng Linggo.

Ayon sa alkalde, isasampa na nila sa piskalya ang mga kasong kriminal at sibil laban sa rioters, kasabay ng paghimok sa mga magulang ng mga menor de-edad na lumahok sa kaguluhan na makipagtulungan sa mga awtoridad.

“May sinira sila, pinerhuwisyo nila ang pribado at nananahimik na komunidad, pananagutan nila. Managot sila sa mga ginawa nilang bagay. Sa mga magulang ng mga suspek, kung ako sa inyo, kausapin n’yo na ang mga anak ninyo at tulungan ang mga pulis na ituro na kung sino ang mga tao behind this. Kung hindi, kayo lang ang babalikat sa problemang binigay ninyo sa Maynila na inyong pananagutan sa batas,” banta pa ng alkalde.

“Nalulungkot tayo. Masyadong malaki ang damage na ginawa. I don’t think mga raliyista iyon. They were in their respective places in the morning and in the afternoon. With due respect sa mga raliyista, okay naman sila sa Luneta, okay naman sila sa Liwasan, okay naman sila sa EDSA, bakit parang adik ‘tong mga nandidito?” pahayag ng alkalde.

“Nagdesisyon sila ng ganyan, then we will throw the books at them, for all those damages, government properties, lahat ng na-apprehend will be charged, and I will make sure, I will make sure that they will pay the price,” sabi pa ni Yorme Isko.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa Philippine National Police (PNP), partikular sa Manila Police District (MPD), na aniya ay nagpamalas ng pagtitimpi sa kabila ng karahasang ipinamalas ng mga kabataan na ang naisin ay gayahin ang nangyari sa bansang Nepal at Indonesia.

Tiniyak din niya na tutugisin nila ang mga nakatakas na kabataang kabilang sa nanggulo.

“Ang Maynila ay may humigit-kumulang isang libong CCTV. We’ll go after them. Nakakalungkot. We’ll do our best to clean up the mess,” sabi pa niya.

“Alam ko, nakikita n’yo sa mga comment ninyo na pananagutin itong mga taong ito. We’ll make sure… We’ll make them pay. Pumanatag kayo, mga batang Maynila,” dagdag ng alkalde.