Puno

Kamara iimbestigahan tangkang P8-B singit sa DILG budget pambili ng baril

278 Views

IIMBESTIGAHAN sa Kamara ang napaulat na tangkang paglalaan ng P8 bilyon sa badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG) pambili ng mga baril ng Philippine National Police (PNP).

Sa isang press conference, inihayag ni Deputy Speaker at Antipolo City 1st District Rep. Ronaldo Puno na sinuri na ng mga mambabatas ang budget para sa 2025 at ang panukalang 2026 budget pero wala silang nakitang ganitong alokasyon.

“Tiningnan namin ang ‘25 budget, hindi namin makita. Tinignan namin ‘26 budget, hindi pa rin namin makita. So siguro kung sinasabi mong insertion wala sa ‘25, baka pinaplano pa lang sa ‘26.

Kaya titingnan natin kung anong storya diyan,” ani Puno.

Binigyang-diin ni Puno, na dating kalihim ng DILG, na sisilipin ng Kongreso ang puno’t dulo ng kontrobersiya.

“Cong. [Rolando] Valeriano, you might want to address this. Hihingi kami ng inquiry through Cong. Valeriano, either motu proprio. But alam ko one congressman is already preparing a resolution [for us to conduct an investigation]. Kasi masyadong malaki, ‘di ba?” dagdag pa ng mambabatas.

Kinumpirma naman ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na inihahanda na ng kanyang komite ang pagdinig upang matukoy kung ang multibillion-peso firearms fund ay naisama sa budget.

“Again, just like what DS Puno have said, magko-conduct ako as chairman ng [Committee on] Public Order Safety regarding dun sa unsolicited proposal, I think it’s worth a billion na sinasabi between the PNP (Philippine National Police) and the DILG,” pahayag ni Valeriano.

“Once and for all, ma-settle whether it is motu proprio o may magpasok ng resolution or may mag-privilege speech, the earliest is by next week,” ayon pa sa mambabatas.

Nang tanungin kung may kaugnayan ang isyu sa pagkakasibak ni dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, sinabi ni Valeriano na ang mga pagdinig ang magbibigay-linaw sa katotohanan.

“That we have to see. Pagdating ng hearing makikita natin ‘yan kung may kinalaman. Definitely they will be invited to the hearing,” giit ni Valeriano.

Giit ng mga lider ng Kamara, layon ng imbestigasyon na tiyakin ang pananagutan at masigurong walang nakatagong alokasyon ang makakalusot sa proseso ng pambansang badyet.