Kamara

Kamara kinontra VP Sara na kaso ng ama batay sa intriga

286 Views

MARIING kinontra ng Kamara de Representantes ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na nakabatay sa tsismis ang kasong kinakaharap ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante ang kasong kinakaharap ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) ay nakabatay sa matitibay na ebidensya at mga sinumpaang salaysay ng mga saksi.

“Well, ‘yung statement ni VP ay base sa Marites. Ang kaso doon sa ICC ay ayon sa ebidensya. Siguro doon tayo tututok kung ano ‘yung pinagbabasehan ng mga reklamo. Hindi ito galing sa anumang tsismis. Ito ay galing sa mga ebidensya at testimonies ng mga witnesses,” ani Abante sa isang press conference nitong Lunes.

Binigyang-diin ni Abante na ang kaso sa ICC ay naka-ugat sa isang internasyonal na legal na proseso na sinusuportahan ng dokumentaryong ebidensya at testimonya ng mga biktima, hindi sa sabi-sabi o ingay sa pulitika.

Naitanong din kay Abante ang reaksyon niya sa panawagan ng Bise Presidente na ibasura ng ICC ang kaso at hayaang ang mga Pilipino ang magpasya sa kapalaran ng dating pangulo, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.

Nilinaw niya na walang kinalaman ang House sa mga pagdinig ng ICC at nananatili itong hiwalay at independiyente mula sa international court.

“Hindi naman involve ang House sa ICC case. In fact, time and time again, sinabi na rin naman ng mga members of the House na hindi sila nakialam at nakikialam sa kaso sa ICC,” aniya.

Binigyang-diin din ni Abante na bilang isang abogado, dapat alam ni VP Duterte kung paano gumagana ang mga internasyonal na hukumang panghudikatura, at na ang mga legal na remedyo gaya ng motion to dismiss ay dapat ihain sa tamang forum.

“Wala din sa saklaw ng House of Representatives ‘yung hinihingi ni VP Sara, pero bilang abogado, tingin ko alam naman din niya kung paano ‘yung proseso sa mga ganitong klaseng judicial bodies, ano ‘yung dapat nilang gawin. They have their defense lawyer to assert that before the court,” ani Abante.

Kasalukuyang nakakulong si dating Pangulong Duterte at naghihintay ng paglilitis sa ICC dahil sa umano’y extrajudicial killings na naganap noong kanyang panunungkulan.

Bagaman umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019, nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa ng naturang tratado.