Eala

Kamara pinarangalan si Alex Eala sa makasaysayang unang WTA Tour title

Mar Rodriguez Aug 5, 2026
31 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang inihaing House Resolution No. 128 bilang pagkilala at pagbati kay Alexandra “Alex” Maniego Eala matapos itong maging kauna-unahang Pilipinong nagkampeon sa Women’s Tennis Association (WTA) Tour-level singles.

Inihain ang resolusyon nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos at House Senior Deputy Speaker Marcelino C. Libanan bilang pagkilala sa makasaysayang tagumpay ni Eala sa 2026 WTA Mubadala DC Open sa Washington, D.C., Estados Unidos.

Sa resolusyon, kinilala ang panalo ni Eala noong Agosto 4, 2026, kung saan tinalo niya ang top-seeded American na si Jessica Pegula sa iskor na 4-6, 6-4, 6-0 upang maiuwi ang kanyang kauna-unahang WTA Tour singles title.

Ayon sa Kamara, ang tagumpay na ito ay isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng palakasan sa bansa dahil si Eala ang unang Pilipino na nagwagi sa isang WTA Tour-level singles championship na higit pang nag-angat sa pangalan ng Pilipinas sa pandaigdigang tennis.

Binigyang-diin din sa resolusyon na matapos ang kanyang kampeonato, umakyat si Eala mula World No. 28 patungong World No. 20 ang pinakamataas na ranggong naabot ng isang Pilipinong manlalaro ng tennis.

Tinampok din ng Kamara ang kahanga-hangang kampanya ni Eala sa torneo matapos niyang talunin ang ilang pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, kabilang sina Olympic champion Qinwen Zheng, defending champion Leylah Fernandez, World No. 10 Elina Svitolina, dating World No. 1 Naomi Osaka at World No. 3 Jessica Pegula.

Ayon sa resolusyon, ipinakita ni Eala ang pambihirang husay, matatag na determinasyon, at kahanga-hangang composure na nagpapatunay na kayang makipagsabayan at manaig ng mga atletang Pilipino laban sa pinakamahusay sa mundo sa pamamagitan ng disiplina, tiyaga, at kahusayan.

Binigyang-pugay rin ng Kamara ang natatanging tagumpay ni Eala sa edad na 2 na nagsisilbing inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga Pilipino upang ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng tapang, dedikasyon, at pagsisikap.

Kinilala rin ng mga mambabatas ang patuloy na suporta ng sambayanang Pilipino kay Eala sa buong karera nito, at sinabing ang kanyang kampeonato ay nararapat na gantimpala sa tiwala at pagmamalaki ng bansa sa isa sa pinakamahusay nitong atleta.

Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1286, pormal na ipinahayag ng House of Representatives ang pagbati at pagpupugay kay Alex Eala sa kanyang makasaysayang tagumpay bilang unang Pilipinong nagwagi ng WTA Tour-level singles title.