Calendar
Tolosa: Testimonya ni Wamil kasing tibay ng pader
PARA kay House prosecution team counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang testimonya ni Commission on Audit (COA) Auditor Roderick Wamil ay kasing-tibay ng pader na hindi kayang wasakin at tibagin.
Binigyang-diin ni Atty. Tolosa na nananatiling matatag at hindi napabulaanan ang testimonya ni Wamil matapos ang dalawang araw ng pagtatanong sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ayon kay Atty. Tolosa Jr., hindi napasinungalingan ng kampo ng depensa ang mga isiniwalat ni Wamil tungkol sa mga umano’y iregularidad sa paggamit at liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023 sa kabila ng isinagawang cross-examination.
“Sa tingin namin lalo pang napagtibay ang testimonya ng aming testigo dahil hindi naman nabutasan. Sa katunayan, marami pa nga sa mga inilahad niya sa direct examination ang hindi na natanong,” wika ni Tolosa.
Binanggit ni Tolosa na hindi rin pinabulaanan ng depensa ang mga dokumentong ipinakita ni Wamil na umano’y nagpapatunay sa partisipasyon at pag-apruba ni Vice President Duterte sa paglalabas, paggastos at liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd.
“Maliwanag, hindi ito nabutasan,” dagdag ni Atty. Tolosa.
Sinabi rin ni Tolosa na walang naiharap na ebidensiya ang depensa upang kontrahin ang testimonya ni Wamil hinggil sa kawalan ng mga kinakailangang supporting documents sa paggamit ng confidential funds.
Ayon pa sa kanya, hindi rin kinuwestiyon ng depensa ang paggamit umano ng OVP ng ₱125 milyon sa loob lamang ng 11 araw, gayundin ang umano’y pagbabayad ng renta na umaabot sa humigit-kumulang ₱2 milyon bawat araw.
“Hindi na ‘yan nausisa pa. Ibig sabihin, nananatiling matibay ang testimonya ng witness sa usaping ito,” ani Tolosa.
Samantala, sinabi naman ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry L. Ridon na sinusuportahan ng testimonya ni Wamil ang alegasyon ng prosekusyon na ang paggamit ng confidential funds ng Bise Presidente ay maihahalintulad sa isang malaking panloloko.
“Nailantad ngayong araw na ito ang pagiging scam, iskandalo nitong confidential funds misuse. Nakita natin ang pattern ng maling paggamit. Nakita natin ang mga pekeng pangalan. Nakita natin na ang pera ay hindi ginamit para sa confidential expenses. Hindi nila maipakita ang confidential activities na pinaglaanan ng pondong ito,” ang pahayag ni Ridon.
Ayon kay Ridon, ang mga iregularidad na ito ay naitala ng COA at naging batayan sa paglalabas ng Notices of Suspension at Notices of Disallowance.
Inihalintulad din niya ang isyu sa fertilizer fund scam at maging sa Napoles PDAF scam, kung saan umano’y ginamit ang mga pekeng benepisyaryo at ghost organizations upang mailihis ang pondo ng pamahalaan.
“Ganoon din ang nangyari rito. Malalaking encashment ng pera, tig-₱125 milyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maayos ang liquidation ng pondong ito. Kapag hindi tama ang liquidation, may prima facie na pananaw na maaaring napunta ang pera sa mga sangkot na matataas na opisyal, kabilang ang Pangalawang Pangulo at ang kanyang mga kasama sa OVP,” ani Ridon.
Idinagdag pa niya na mayroon nang desisyon ang COA Proper na nagpapasoli umano sa Bise Presidente at iba pang sangkot ng ₱73 milyon kaugnay ng confidential funds ng OVP noong 2022, habang inaasahan pa aniya ang desisyon sa natitirang ₱448 milyon na confidential funds para sa taong 2023.

