PBBM

Kamarang tanggapin VP Sara kung dumalo sa SONA

307 Views

HANDA ang Kamara de Representantes na tanggapin si Vice President Sara Duterte sakaling magbago ang isip nito at dumalo sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante nitong Lunes na bagamat nagpadala na ng sulat ang tanggapan ni Duterte na hindi ito dadalo nananatiling bukas ang Kamara sa lahat ng opisyal ng pamahalaan, kabilang ang Pangalawang Pangulo, at binigyang-diin ang kahalagahan na kanyang mapakinggan ang taunang ulat ng Pangulo sa Kongreso at sambayanang Pilipino.

“Ready naman po ang House of Representatives to welcome all officials of the government to attend the SONA,” ani Abante bilang tugon sa tanong ng isang mamamahayag sa press conference nitong Lunes.

“Especially bilang isang Vice President, dapat din kasama sa kanyang tungkulin na makinig sa magiging report ng ating Presidente. The House of Representatives is ready to welcome for her to attend and listen to the report of the President,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Abante ay kasunod ng kumpirmasyon mula kay House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco noong nakaraang linggo na nagpadala ang Office of the Vice President (OVP) ng liham na nagsasaad na hindi dadalo si Duterte sa SONA sa ikalawang sunod na taon.

Sa kabila nito, sinabi ni Velasco na magpapatuloy pa rin ang lahat ng paghahanda, kabilang na ang paglalaan ng itinalagang upuan sa VIP gallery at isang holding room para sa Pangalawang Pangulo at sa kanyang staff sakaling magbago ang kanyang isip.

Walang ibinigay na dahilan ang OVP sa hindi pagdalo ng Bise Presidente, ngunit binanggit ni Velasco na lahat ng iba pang imbitadong opisyal ng pamahalaan ay nakapagkumpirma na ng kanilang pagdalo.

Nakatakdang ilahad ni Pangulong Marcos ang kanyang SONA sa joint session ng Senado at Kamara sa plenary session hall ng Batasang Pambansa sa Quezon City alinsunod sa Konstitusyon.

Binabalangkas sa SONA ang mga pangunahing tagumpay ng administrasyon, tinatalakay ang mahahalagang hamon sa bansa, at inilalatag ang mga polisiya at panukalang batas para sa darating na taon.