Suspek1

Kampanya vs crimen tuloy ngayong Kapaskuhan: 318 suspek huli sa CV

358 Views

TINIYAK ng Police Regional Office 7 (PRO7) na tuloy-tuloy ang kampanya laban sa krimen sa Central Visayas habang papalapit ang Kapaskuhan, matapos magbunga ng malalaking tagumpay ang kanilang pinaigting na operasyon sa loob lamang ng isang linggo.

Batay sa ulat ng PRO7 mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 6, 2025, umabot sa 318 katao ang naaresto sa iba’t ibang operasyon laban sa ilegal na droga, loose firearms, wanted persons, at ilegal na sugal sa buong rehiyon.

Pinakamarami ang nahuli sa mga operasyon kontra droga kung saan 153 indibidwal ang nadakip, at nasamsam ang 466.48 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,172,064, pati na rin ang 3.60 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa pinaigting namang manhunt operations, 102 wanted persons ang naaresto, kabilang ang 19 na kabilang sa Most Wanted Persons: dalawa sa antas rehiyon, 11 sa antas probinsya, apat sa munisipyo, at dalawa sa antas estasyon.

Bukod dito, 48 katao ang nadakip sa mga operasyong laban sa ilegal na sugal tulad ng number games, card games, mahjong/plastic tiles, cara y cruz, at ilegal na sabong at pustahan. Umabot sa ₱8,641 ang nakumpiskang bet money.

Sa kampanya kontra loose firearms, nasabat ng pulisya ang 33 baril, isang pampasabog, at 38 bala, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 15 indibidwal.

Ayon kay PBGen. Redrico A. Maranan, Regional Director ng PRO7, malinaw ang mensahe ng kapulisan: walang bakasyon ang krimen sa Central Visayas. Binigyang-diin niyang hindi papayagang samantalahin ng mga kriminal ang panahon ng Kapaskuhan at magpapatuloy ang agresibong operasyon laban sa iba’t ibang uri ng ilegal na gawain upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Nanawagan din ang PRO7 sa mamamayan na manatiling mapagmatyag at agad i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad habang papalapit ang mga selebrasyon ng Pasko.