Fajardo Atty. Ade Fajardo Kuha ni JOSEPH MUEGO

Kampo ni Romualdez nagtataka sa umano’y pagtutok ng Ombudsman sa ex-Speaker

13 Views

NAGPAHAYAG ng pagtataka nitong Miyerkules ang kampo ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa umano’y labis na pagtutok ng Office of the Ombudsman sa mambabatas mula Leyte.

Ayon kay Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, tila determinado pa rin ang Ombudsman na bumuo ng kaso laban sa kanyang kliyente sa kabila umano ng kawalan ng kapani-paniwalang ebidensiya.

“Hindi namin maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang attention na binibigay nila, ang panggigipit nila kay Rep. Romualdez. Eh wala na namang credible na ebidensiya,” ani Fajardo.

Sinabi niya na partikular na pinupuntirya ng Ombudsman ang dating lider ng Kamara kahit na may iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan at mga mambabatas na iniugnay sa umano’y flood-control scam ng orihinal na 18 “Maleta Boys.”

“Nawala na nga lahat ng mga malalaking opisyal ng pamahalaan nang mag-urungan ang Maleta Boys at nagsabi ang karamihan na wala silang alam sa sinasabing deliveries, tinanggal na sa listahan at siguro in-absolved na. Pero iniiwan pa rin ng Ombudsman at mistulang singled out na natitira na lamang ay ang aming kliyente,” dagdag niya.

Limang Maleta Boys umatras sa mga alegasyon

Sinabi ni Fajardo na sa kaso ni dating Speaker Romualdez, lima sa mga “Maleta Boys,” kabilang ang star witness na si Orly Guteza, ang pormal nang binawi ang kanilang mga alegasyon laban sa mambabatas mula Leyte.

“Formal affidavit ang ginawa nila, hindi press release,” ani Fajardo.

Ayon sa kanya, sinuportahan pa ang mga pagbawi sa alegasyon ng mga pahayag ng 25 kasamahan ng mga nagbawi ng kanilang testimonya, na kumontra umano sa mga orihinal na alegasyon ng 18 “Maleta Boys.”

Sa kabila ng pagbawi sa mga unang akusasyon, patuloy pa rin umanong nagsisikap ang Ombudsman na bumuo ng kaso laban kay Romualdez, dagdag niya.

“Kaya kami ay naguguluhan kung bakit ganito ang trato nila sa dating Speaker. Masyado na yata siyang pinepersonal,” giit ni Fajardo.