Kapunan

Kapunan: “Superman” lang makapamudmod ng confidential funds sa iba’t ibang lugar sa iisang araw

Mar Rodriguez Aug 12, 2026
28 Views

IGINIGIIT ng legal counsel ng House prosecution panel na si Atty. Lorna Kapunan na tila “Superman” lamang ang makagagawa ng mga nakasaad sa ilang dokumentong isinumite ng Department of Education (DepEd) bilang liquidation para sa paggamit ng confidential funds.

Inihayag ito ni Atty. Kapunan sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, matapos niyang basahin sa harap ng prosecution witness at mga senator-judge ang ilang acknowledgment receipt (AR) na nagpapakitang may confidential fund payments na umano’y isinagawa sa iisang araw ngunit sa magkakaibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa pagtatanong kay Commission on Audit-Intelligence and Confidential Fund Audit Office (COA-ICFAO) State Auditor Xylene Del Campo, sinabi ni Kapunan na mahirap isipin kung paano magagawa ng isang Special Disbursing Officer (SDO) na personal na puntahan ang magkakalayong lugar sa loob lamang ng isang araw.

“Superman ang paborito ko. Kung hindi man Superman ang isang SDO, kaya ba niyang puntahan lahat ng ito?,” tanong ni Kapunan.

Agad namang umapela ang defense counsel, na nagsabing “speculative” o haka-haka ang naturang tanong.

Iginiit ni Kapunan na hindi umano haka-haka ang punto dahil kayang lumipad ni Superman, na sinagot naman ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na malinaw ang nais ipakita ng prosecution.

Ayon kay Escudero, batay sa mga dokumento at testimonya, mahirap paniwalaang kayang makarating ng isang tao sa lahat ng mga lugar na nakasaad sa mga acknowledgment receipt at maipamahagi ang mga halaga sa iisang araw.

Sa direktang pagtatanong ni Kapunan kay Del Campo, binasa niya ang tatlong grupo ng acknowledgment receipts na umano’y ginamit upang suportahan ang liquidation ng ‘₱112.5 milyong confidential funds’ na inilabas sa DepEd noong 2023.

Ang unang grupo ng mga resibo ay may petsang Pebrero 21, 2023, ang ikalawa ay Pebrero 25 at ang ikatlo ay Marso 15, 2023.

Kabilang sa mga binasang resibo noong Pebrero 21 ang:

– ₱50,000 na walang pangalan ngunit may pirma, at nakalagay na binayaran sa Danao;
– ₱100,000 sa Malolos;
– ₱45,000 sa Negros Occidental; at
– isa pang resibo na may address sa Negros Oriental.

Samantala, kabilang naman sa mga resibo noong Pebrero 25 ang mga halagang **₱200,000 sa Masbate, ₱100,000 sa Laoag City, ₱45,000 sa Davao City, ₱50,000 sa Olongapo City, ₱150,000 sa Masbate, ₱45,000 sa Davao City at ₱50,000 sa Pangasinan**, bukod pa sa isang resibong nagsasaad ng halagang ibinayad sa Agusan del Norte.

Mabilis ding binasa ni Kapunan ang mga resibo na may petsang Marso 15, kabilang ang mga nakasaad na halaga, pangalan ng umano’y recipient at petsa ng sinasabing pamamahagi ng pera.

Tinanong ni Kapunan si Del Campo tungkol sa kahalagahan ng mga dokumento.

Ayon sa auditor, ipinakikita ng mga ito na magkakaibang halaga ang ibinigay umano sa mga informant sa magkakaibang lugar sa loob ng iisang araw.

Ipinaliwanag din ni Del Campo na sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, na inilabas ng COA, Department of Budget and Management at iba pang ahensya ng gobyerno, ang Special Disbursing Officer lamang ang awtorisadong mamahagi ng confidential at intelligence funds.

Para naman sa DepEd, sinabi ni Del Campo na noong si Vice President Duterte ang kalihim ng ahensya, si Edward Fajarda lamang umano ang itinalagang SDO at wala nang ibang itinalaga bilang SDO.