Calendar
Source: QCPD-PIO
KASAMBAHAY, BF HULI SA PAGNENOK NG P150K SA AMO




ARESTADO ang isang kasambahay at kanyang live-in partner matapos umanong tangayin ang P150,000 cash at iba pang mahahalagang gamit ng negosyanteng amo ng una sa Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek na sina alyas “Jocelyn,” 52, kasambahay ng biktima, at kanyang kinakasamang si alyas “Ruperto,” 50, kapwa residente ng Brgy. UP Village.
Sa report ng Anonas Police Station, lumalabas na umalis ang 59-anyos na negosyante sa kanyang bahay dakong alas-8 ng umaga noong Hunyo 23 upang dumalo sa isang business meeting at pagbalik niya alas-7 ng gabi ay nadiskubreng nawawala na ang P150,000 cash at ilang gamit sa loob ng kanyang tahanan.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa Anonas Police Station (PS-9) na nagsagawa ng follow-up operation sa inuupahang apartment ng mga suspek.
Dakong alas-11:10 ng gabi nang masakote ang dalawa at mabawi ang ilan sa mga ninakaw na gamit kabilang ang isang cooler, anim na monoblock chairs, antigong salamin, drawer stand, mga tasa, plato, mangkok at iba pang kagamitan sa bahay.
Hindi na nabawi ng mga awtoridad ang nawawalang P150,000 cash.
Nabatid din na mula pa noong 2024 ay nagtatrabaho na bilang kasambahay ng biktima si “Jocelyn” kaya may access umano ito sa bahay ng kanyang amo.
Nahaharap si “Jocelyn” sa kasong Qualified Theft habang kakasuhan naman si “Ruperto” ng paglabag sa P.D. 1612 o Anti-Fencing Law of 1979.
Pinuri naman ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang mga operatiba ng PS-9 sa mabilis na paglutas sa kaso at tiniyak na patuloy na pananagutin ang mga lumalabag sa batas sa Quezon City.

