Lola Kinilala ni Police Major Fredwin Sernio ang arestadong lola. JONJON C. REYE

Lola nagbenta ng pampalaglag sa mga parak, sa selda swak

Jon-jon Reyes Jun 25, 2026
153 Views

NAHAHARAP sa kasong paglabagsa RA 10918 (Philippine Pharmacy Law), RA 9711 (FDA Law) at RA 3720 (Food and Drugs Cosmetic Acts) ang isang 65-anyos na lola matapos matimbog ng mga operatiba ng Plaza Miranda PCP at Intel Unit ng MPD Sta Cruz Police Station 3 sa kahabaan ng Carriedo St. corner Evangelista St., Quiapo, Manila.

Kinilala ang suspek na si alyas Lola Eden, walang asawa, tindera, at residente ng Palma S.,t Quiapo.

Ayon kay Police Maj. Fredwin Sernio, chief ng Intel Unit at hepe ng Plaza Miranda PCP, MPD Sta Cruz Police Station 3, bandang 7:10 nang gabi ng arestuhin ng mga operatiba ang suspek.

Nag-ugat ang operasyon matapos magreklamo ang isang hindi nakilalang complainant sa text ukol sa talamak na pagbebenta ng abortive pills na kilala bilang “Cytotec”, sa paligid ng Quiapo Church partikular sa Evangelista St. corner Carriedo St., Quiapo.

Agad ipinadala ni PMaj. Fredwin Sernio ang mga parak sa lugar upang i-verify ang reklamo.

Nagpanggap na customer sina PSSg Julius Gabriel Laurente, Pat Arvi Sy, Pat Drazen Apostol, at Pat Ivan Tuengan, ng Intel Unit PS3 MPD, at nagtangkang bumili ng P3,500 halaga ng pampalaglag.

Nakuha mula sa suspek ang apat na blister pack na naglalaman ng sampung piraso ng Cytotic misoprostol, blister pack na naglalaman ng walong Cytotic misoprostol, dalawang maliit na transparent na plastic sachet na naglalaman ng apat na tableta na walang label at ang P3,500 na buy-bust money,.

Ang suspek ay binasahan ng kanyang mga karapatan sa konstitusyon sa ilalim ng RA 7438 at kalaunan ay dinala sa police station na ito para sa tamang disposisyon.

Sumailalim rin ang suspek sa edikal na pagsusuri sa Jose Reyes Memorial Medical Center.