Magsino

Kasunduan sa pagitan ng DMW, Labour of Liberia pinapurihan ng OFW Party List group

Mar Rodriguez Aug 14, 2025
259 Views

CacdacCacdac1PINAPURIHAN ng OFW Party List group ang nabuong kooperasyon sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Labour of Liberia para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino seafarers o sea-based Overseas Filipino Workers (OFWs).

Pinasalamatan ni dating OFW Party List congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino si DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac dahil sa ikinasa nitong inisyatiba upang maproteksiyunan ang libo-libong Pinoy seafarers sa tuwing sila’y maglalayag sa karagatan.

Sinabi ni Magsino na sinaliksik ng DMW ang lahat ng pamamaraan para mabigyan ng proteksiyon ang mga Filipino seafarers sa kamay ng mga dayuhang pirata partikular na sa mga kritikal na bansa kung saan kalimitang ang mga Pinoy ang biktima.

Pagbibigay diin ng dating kongresista na maituturing na estratehiko ang nabuong collaboration kasama sina Liberian Labour Minister Cooper W. Kruah, Sr. at Liberian Maritime Authority Deputy Commissioner John F. Harvey.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na hindi lamang ang pagbibigay ng proteksiyon para sa mga Pinoy seafarers ang layunin ng nabuong bilateral agreement kundi ang potential labor market o magandang oportunidad para sa mga Pilipino.

Ayon kay Magsino, tinalakay sa ginanap na pagpupulong ang bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Liberia kung saan ang Liberia ang “gateway” patungo sa bansang Africa.