Oducado

Pagtatayo ng OFW hospital level III isinusulong ni Oducado sa Kamara

Mar Rodriguez Aug 14, 2025
244 Views

ANG kapakanan at interes ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang priority ni neophyte 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado ngayong 20th Congress.

Kaya hindi na nagpatumpik-tumpik ang baguhang kongresista matapos nitong ihain ang House Bill No. 3142 na naglalayong magtayo ng OFW hospital bilang level 3 na mapapasa-ilalim sa pamamahala ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni Oducado na ang mga OFWs ay kadalasang nahaharap sa tinatawag na “occupational health risk”. Ito ay bunsod sa uri ng kanilang trabaho sa ibayong dagat kagaya ng ilan sa kanila ang nae-expose sa sa hazardous environment at iba pa.

Ayon kay Oducado, dahil sa ganitong sitwasyon, may mga OFWs ang pinababalik ng Pilipinas sa pamamagitan ng medical repatriation para dito sila maggamot partikular na ang mga Pilipinong manggagawa na mayroong matinding karamdaman.

Ipinahayag din ng Party List solon na alinsunod sa datos ng DMW, tinatayang 533 OFWs ang napapauwi sa pamamaraan ng medical repatriation dahil sa kanilang karamdaman. Kung saan, umabot ng kabuuang 22,000 OFW ang pinabalik ng bansa mula July 22, 2022 hanggang July 31, 2024.

Dagdag pa nito na tinatayang nasa 86,371 pasyenteng OFWs na ang inaadmit sa OFW hospital sa San Fernando, Pampanga. Subalit sa dami ng mga OFWs na nako-confine, kinukulang na umano ng mga kuwarta para sa mga karagdagang pasyente.

Dahil dito, paliwanag ni Oducado na kailangan ng karagdagang silid para ma-accommodate ang mga bagong pasyenteng OFWs sa pamamagitan ng paglalagay ng OFW hospital level III. Ito ay para tiyakin din na ang nasabing ospital ay makakapagbigay ng nararapat at epektibong serbisyo.