Calendar
Kampanya ng DMW vs illegal recruiters pinapurihan ni Magsino
PINAPURIHAN ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) matapos nitong ilunsad ang isang malawakang kampanya laban sa mga illegal recruiters.
Sinabi ni Magsino na nananatiling aktibo ang OFW Party List group sa pagtutok at pagmo-monitor sa mga kasalukuyang kaganapan partikular na ang mga isyu sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at Filipino seafarers.
Ayon kay Magsino, ikinagagalak nito na hindi pinababayaan ng pamahalaan ang mga OFWs at Pinoy seafarers sa pamamagitan ng mga programang mangangalaga sa kanilang interes kabilang na dito ang pagsawata sa mga illegal recruitment agencies.
Pagbibigay diin ng dating kongresista na panahon na para kumilos ang gobyerno at maglunsad ng isang malawakang “crackdown” laban sa walang kamatayang problema ng bansa sa illegal recruitment kung saan ay malaon na niya itong nilalabanan.
Sinabi din ni Magsino na kahit noong siya pa ay aktibong kasapi ng Kamara de Representantes noong nakalipas na 19th Congress ay patuloy ang kaniyang pakikipaglaban sa mga illegal recruitment na bumibiktima ng maraming OFWs.
Pinalasamatan din ni Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa inilabas nitong direktiba laban sa mga illegal recruiters para panatilihin ang proteksiyon sa mga OFWs laban sa pagsasamantala at eksploytasyon.
“Kahit noon pa man ay hindi na tayo tumitigil sa pakikipag-laban sa mga illegal recruiters na ito. Bagama’t hindi tayo kasama sa 20th Congress, nakabantay parin tayo sa mga kaganapan tungkol sa kalagayan ng ating mga OFWs at Pinoy seafarers,” wika ni Magsino.

