Magsino

Magsino nababahala sa kalagayan ng 9 na Pinoy seafarers na bihag ng Houthi forces

Mar Rodriguez Jul 31, 2025
386 Views

Magsino1NAGPAHAYAG ng pagkabahala si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino patungkol sa kalagayan ng siyam na Filipino seafarers na kasalukuyang nasa kamay ng mga Houthi forces mula sa bansang Yemen.

Dahil dito, nananawagan si Magsino sa sambayanang Pilipino na mag-alay ng panalangin para sa kaligtasan ng siyam na Filipino seafarers na kasalukuyang bihag ng mga Houthi rebels alinsunod sa naging pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW).

Bagama’t nanghihinayang si Magsino na hindi siya napasama sa roster ng mga mambabatas sa ilalim ng 20th Congress, nananawagan naman siya kay President Bongbong Marcos, Jr. para agad na mapakawalan ang siyam na Pinoy seafarers.

Sinabi din ni Magsino na maaaring dito mararamdaman ng mga Filipino seafarers at Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kawalan ng presensiya ng OFW Party List Group sa mga ganitong pagkakataon na nalalagay sila sa matinding problema.

Binigyang diin ng dating kongresista na tuluyan ng nawalan ng boses sa Kamara de Representantes ang mga Pinoy seafarers at OFWs sapagkat wala ng tatayo sa Plenaryo para ipanawagan ang kasalukuyang kalagayan ng mga tripulante sa Yemen.

“Dati madali nating naipapanawagan ang aksiyon ng pamahalaan sa mga ganitong pagkakataon. Titindig lang tayo sa Plenary para kalampagin ang mga concerned agencies. Pero ngayon, ang tanging magagawa na lamang natin ay umapela ng tulong para sa mga Pinoy seafarers na ito na bihag ng mga rebelde,” ani Magsino.

Samantala, kasabay ng pagdiriwang ng ika-47 National Disability Rights Week, isinagawa ng OFW Party List ang turnover ng Assistive Devices sa Hindang, Leyte. Katuwang nito ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD).