Martin5

Katotohanan, di chismis, dapat batayan ng pagdinig ng Blue Ribbon — Speaker Romualdez

271 Views

NANINDIGAN si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Linggo laban sa mga pahayag ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero, na nagsabing dapat ituring na isang legislative accomplishment ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

“Maaaring ituring ni Sen. Chiz Escudero na bahagi ng kanyang legasiya ang mga pagdinig ng Blue Ribbon, ngunit hindi makatarungang tawagin itong accomplishment kung ito’y nakabatay lamang sa mga walang basehang akusasyon,” ani Speaker Romualdez matapos ang naganap na pagpapalit ng liderato sa Senado.

Binanggit ng Speaker na mas naging usapin ng pulitika ang mga naturang pagdinig kaysa sa paghahanap ng katotohanan, at iginiit na galing mismo sa mga kuwestiyonableng pinagmulan ang mga alegasyon.

“Malinaw na ang mga pagdinig na ito ay ginamit hindi para sa katotohanan, kundi para sa paninira. At mas masahol pa, galing mismo sa mga kontratistang iniimbestigahan at umaamin na sangkot sila sa mga ghost projects ang mga akusasyon,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Binigyang-diin din niya na ang tunay na pananagutan ay dapat nakaangkla sa ebidensya at hindi sa mga tsismis o paratang lamang.

“Ang tunay na pananagutan ay dapat nakaayon sa katotohanan. Ang sabi-sabi ay hindi ebidensya, at ang paninira ay hindi kailanman magiging hustisya,” mariing pahayag ni Speaker Romualdez.

Sa kanyang pagtatapos, iginiit ng Speaker na nakatuon ang Kamara sa tungkulin nitong pag-aralan ang pambansang budget at tiyaking ang pondo ng bayan ay ginagamit para sa kapakanan ng mamamayan.

“Ang House of Representatives ay nananatiling nakatutok sa tunay na trabaho – ang pagbabantay sa bawat pisong pera ng bayan at ang tapat na paglilingkod,” ani Romualdez.

Nangyari ang mga pahayag matapos bumoto ang Senado upang ihalal si Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President.

Itinalaga rin si Sen. Ping Lacson bilang Senate President Pro Tempore, habang si Sen. Migz Zubiri naman ang nahalal bilang Majority Leader.