Cancer

Kauna-unahang breast cancer surgery sa OFW Hospital tagumpay

Jun I Legaspi Oct 22, 2025
309 Views

NAKAMIT ng OFW Hospital ang isang medical breakthrough matapos maisagawa ang kauna-unahang Modified Radical Mastectomy (MRM) sa kanilang pasilidad.

Ito ay isang malaking hakbang sa laban ng bansa kontra breast cancer, na isa pa rin sa mga pangunahing sakit na nakaaapekto sa kababaihan sa Pilipinas.

Isang 39-anyos na babaeng dating overseas Filipino worker (OFW) na pasyente ng OFW Hospital ang nakaramdam ng bukol sa kaliwang dibdib. Dahil sa pag-aalala, agad siyang nagpakonsulta at sumailalim sa ultrasound, biopsy at iba pang pagsusuri.

Nakumpirmang siya ay may Stage 2B breast cancer, kaya inirekomenda ng mga doktor ang MRM bilang pinakamainam na hakbang sa kanyang paggamot.

Ang MRM ay isang operasyon kung saan tinatanggal ang buong dibdib, kabilang ang balat, nipple at areola, pati ang karamihan ng lymph nodes sa kilikili, habang nananatiling buo ang kalamnan sa dibdib.

Pinangunahan ni Dr. Krisha Mae F. Salazar, head of surgery ng OFW Hospital, ang operasyon, katuwang si OR Nurse Jesusa G. Santiago at anesthesiologist na si Dr. Analyn Adlawan. Naging maayos ang operasyon at nasa mabuting kalagayan na ang pasyente.

Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng dedikasyon at husay ng health professionals ng OFW Hospital. Ipinapakita rin nito ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan para sa mga OFW at sa bawat Pilipino.

Zero billing din ang serbisyo ng OFW Hospital, alinsunod sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang OFW Hospital ay isang specialized government facility na nagbibigay ng libre at de-kalidad na serbisyong medikal sa mga OFW at kanilang pamilya.

Patuloy itong pinalalakas ng pamahalaan bilang sentro ng pangangalagang medikal at simbolo ng malasakit para sa mga Bagong Bayani ng Mundo.

Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay na ang maagang pagpapatingin, maagap na aksyon at abot-kayang healthcare ay tunay na nakapagliligtas ng buhay.

Ito ang sentro ng mandato ng OFW Hospital at ng pamahalaan para sa kalusugan at kapakanan ng bawat Pilipino.