Nakaw Source: QCPD-PIO

Kawatan sa kisame dumaan para botica nakawan, pinosasan

145 Views

NAARESTO ng pulisya ang isang 19-anyos na lalaki na nanloloob at tumangay ng P100,000 na halaga ng cash at cellphone sa isang botika sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang naarestong suspek sa alyas na “Jesus,” residente ng Marilao, Bulacan.

Patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang kanyang kasabwat.

Sa ulat ng Talipapa Police Station (PS-3), nadiskubre ng empleyado ng botika dakong alas-5:05 ng umaga noong Hunyo 23 ang sirang bahagi ng kisame ng establisimyento. Nang kanilang inspeksyunin ang loob, napag-alamang nawawala ang kabuuang benta ng tindahan na umaabot sa P101,699, petty cash na P5,700, revolving cash na P2,100, at isang Oppo A3 cellphone na pag-aari ng tindahan na nagkakahalaga ng P6,000.

Sa pagsusuri ng CCTV footage, nakita ang isang lalaki na pumasok sa loob ng botika sa pamamagitan ng butas sa kisame dakong alas-2:33 ng madaling araw at mabilis na tumakas matapos tangayin ang pera at iba pang mahahalagang gamit.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng PS-3 sa bahay ng suspek matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant na nagresulta sa pagka-aresto mg suspek.

Sa imbestigasyon, itinuro umano ng suspek ang kanyang kasabwat na nakilala lamang sa alyas na “Alexis,” 35-anyos, residente ng Catmon, Malabon City, na sinasabing may hawak pa ng iba pang ninakaw na kagamitan.

Narekober mula sa suspek ang P20,000 cash, isang cellphone, barangay identification card, itim na t-shirt, at isang balaclava.

Lumabas din sa beripikasyon ng pulisya na may mga nauna nang kaso ang suspek kabilang ang paglabag sa P.D. 1602 noong 2023, paglabag sa R.A. 9165 noong 2023, at mga kasong robbery at paglabag sa R.A. 10591 noong 2025.

Mahaharap ang suspek sa kasong robbery habang nagpapatuloy naman ang manhunt operation laban sa kanyang kasabwat.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, patuloy nilang paiigtingin ang operasyon laban sa mga kriminal upang mapanagot ang lahat ng sangkot sa krimen at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at negosyo sa lungsod.