Calendar
Kelot bumili lang ng pagkain, pinaglalamayan na
NIRATRAT ng hindi pa kilalang salarin ang lalaking bumibili lang ng pagkain sa isang karinderya na ikinasugat din ng isa pa sa Dasmariñas City, Cavite.
Patay na nang idating sa Dasmariñas City Medical Center si alyas “Jervy,” residente ng Tester Avenue, Barangay Salawag, Dasmariñas City, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang sa De La Salle University Medical Center naman isinugod ang 41-anyos na si alyas “Pepito” na nahagip ng ligaw na bala sa kanang hita.
Sa ulat ng Dasmariñas City Component Police Station, naganap ang insidente ng pamamaril Martes ng alas-8:30 ng umaga habang bumibili ng pagkain ang mga biktima sa isang karinderya sa Abad Santos Avenue, Brgy. Salawag.
Sinabi ng ilang mga nakasaksi sa pulisya na matapos bumaba sa sinasakyang NMAX na motorsiklo ang suspek na nakasuot ng helmet at itim na jacket at pantalon, bumunot na ito ng baril at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para sa ikadarakip ng suspek, habang hindi pa batid ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaslang.

