Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun

Khonghun: Pacquiao simbolo ng mandirigmang Pilipino

551 Views

PINURI ni House Young Guns leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun si boxing legend Manny Pacquiao para sa kanyang kahanga-hangang laban kontra kay Mario Barrios, na muling nagpamalas ng husay, bilis at tibay ng 46-anyos na icon sa kabila ng paglipas ng panahon.

Bagama’t nagtapos sa draw ang laban, sinabi ni Khonghun na ipinakita ni Pacquiao ang puso ng isang tunay na mandirigmang Pilipino—lumalaban sa bawat round na may matatag na determinasyon at pagmamalaki para sa bayan.

“Defying Father Time si Manny Pacquiao,” ani Khonghun at dagdag pa niya, maraming boxing analysts at fans ang naniniwalang nakalamang si Pacquiao batay sa dami at kalidad ng kanyang mga suntok.

“Bagama’t nagtapos sa draw ang laban nina Manny Pacquiao at Mario Barrios, malinaw na ipinakita ni Pacquiao ang kanyang walang kapantay na karanasan, bilis, at tibay sa ibabaw ng ring. Sa bawat round, dama ang determinasyon niyang patunayan na ang kanyang puso bilang mandirigmang Pilipino ay hindi kumukupas,” aniya.

Binigyang-diin ni Khonghun na para sa mga Pilipino, ang tapang at disiplina ni Pacquiao ay lampas pa sa opisyal na resulta ng laban.

“Maraming tagahanga at eksperto ang naniniwalang si Pacquiao ang nakalamang sa laban, batay sa dami at kalidad ng kanyang mga pinakawalang suntok. Para sa mga Pilipino, ang ipinakita niyang tapang at disiplina ay higit pa sa resulta ng laban—ito ay patunay na ang ‘Pambansang Kamao’ ay nananatiling inspirasyon sa buong mundo, lalo na sa bawat kabataang nangangarap magtagumpay sa kabila ng mga hamon,” dagdag pa ni Khonghun.

Sa pagtatapos, pinuri niya ang patuloy na kakayahan ni Pacquiao na itaas ang diwang Pilipino at buong pagmamalaking iwagayway ang bandila ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.