Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Panawagan para muling buhayin House Quad Comm lumalakas

263 Views

NANAWAGAN ang mga dating lider ng Quad Committee ng Kamara de Representantes noong 19th Congress sa mga miyembro ng 20th Congress na buhayin ang mega-panel upang maipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga malalaking isyu na nakakaapekto sa bansa.

Iginiit ng mga dating lider ng quad comm na hindi dapat hayaang mabaon sa limot ang mga imbestigasyong may kinalaman sa mga pagpatay kaugnay ng iligal na droga, sindikatong may ugnayan sa China at katiwalian sa pamahalaan.

Ang quad comm—binubuo ng mga House committee on dangerous drugs, on public order and safety, on human rights at on public accounts—ay nagsagawa ng serye ng imbestigasyon noong nakaraang Kongreso kung saan ibinunyag ang nakakabahalang ugnayan ng offshore gaming hubs, extrajudicial killings at mataas na antas ng katiwalian sa pamahalaan.

“We cannot just move on. What we uncovered in those hearings was not fiction, not rumor, but fragments of a frightening reality,” ani muling nahalal na si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na namuno sa human rights panel noong ika-19 na Kongreso.

“Quad Comm 2.0 now becomes a necessity. We firmly believe that justice does not expire and must continue in the 20th Congress. The people have a right to know who benefitted from silence and who paid the price for speaking out,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Abante na ang orihinal na quad comm ay nakatuklas ng mga pattern ng pang-aabuso na lumalampas sa indibidwal na pagkukulang at tumutukoy sa istruktural na pagkabulok sa ilang bahagi ng pagpapatupad ng batas at paghahatid ng hustisya.

Aniya, ang panawagan para buuing muli ang panel sa ika-20 Kongreso ay isang pagsubok sa lakas ng loob sa politika.

“Kung totoo tayong naninilbihan, hindi tayo dapat matakot sa katotohanan. Justice requires memory. And memory means picking up where we left off, kahit gaano kainit, kahit gaano kahirap,” ani Abante.

Para naman kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na namuno sa committee on dangerous drugs, patuloy na binabagabag ang mga institusyong pampubliko ng mga natuklasan sa hindi natapos na imbestigasyon—mula sa hindi nareresolbang mga biktima ng drug war hanggang sa pagpasok ng mga transnational crime.

“There were witnesses who were threatened. There were patterns of abuse that pointed to state actors. There were billions of pesos in questionable transactions. Hindi pa ito tapos. Quad Comm 2.0 must finish the job,” ani Barbers.

Sinabi pa ni Barbers na ang pagbuhay sa panel ay dapat samahan ng proteksyon para sa mga pangunahing testigo at institusyonalisasyon ng inter-committee investigations.

“We cannot isolate corruption from crime, or human rights from public funds. Everything is connected. The Quad Comm gave us that holistic lens,” aniya.

Para naman kay dating Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, na namuno sa committee on public order and safety, hindi na tanong kung may pang-aabuso nga bang naganap, kundi kung may sapat bang political will ang bansa upang papanagutin ang mga makapangyarihang personalidad.

“Some truths were already out there. The problem was, we stopped just before they could be named in full. Now we must resume with urgency and courage,” ani Fernandez.

Dagdag niya, ang mga natuklasan ng komite ay tumutukoy sa isang masalimuot na sistema ng impunity na pinatatagal ng kakulangan sa oversight at kultura ng takot sa mga ahensya.

“We owe it to the Filipino people to show them that this Congress does not fear the truth,” aniya.

Ang panawagan para muling buuin ang quad comm ay unang isinulong nina La Union Rep. Paolo Ortega V at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, mga pangunahing miyembro ng House Young Guns.

Babala nila, ang biglaang paghinto ng imbestigasyon ng quad comm ay nagkait sa publiko ng pagsasara ng mga isyu at nagpalakas ng loob sa mga umaasa sa katahimikan ng mga institusyon upang makatakas sa pananagutan.

Ipinahayag nina Abante, Barbers at Fernandez ang kanilang suporta sa panawagan ni Adiong, at iginiit na dapat harapin ng Quad Comm 2.0 ang mga bagong umuusbong na isyu, partikular ang paggamit ng legal na proseso bilang sandata, panliligalig sa mga whistleblower, at patuloy na pagtitimpi ng estado sa mga krimeng may banyagang koneksyon.

“The work of truth-telling is never finished,” ani Abante. “But it must at least be continued.”