Jay Khonghun Deputy Speaker Jay Khonghun

Khonghun: PCAB exec mananagot pa rin kahit nag-resign

408 Views

IGINIIT ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun na hindi makakatakas sa pananagutan si Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) Executive Director Herbert Matienzo kahit na nagbitiw ito sa puwesto, kaugnay ng umano’y korapsyon sa contractor registration.

Si Khonghun ang unang nanawagan ng lifestyle check kay Matienzo sa pagdinig ng House infrastructure committee. Sinabi niya na ang pagbibitiw ay hindi awtomatikong naglilinis ng pangalan o pag-alis ng pananagutan sa posibleng iregularidad.

“The resignation of Atty. Matienzo should not be seen as an escape from accountability. Kung may mali, may pananagutan. The House of Representatives will continue to dig into the allegations of ‘registration for sale’ at PCAB,” ayon kay Khonghun, na kumakatawan sa unang distrito ng Zambales sa Kongreso.

Sa pagdinig nitong Martes, binigyang-diin ni Khonghun ang mga ulat na nagkaroon umano ng bentahan ng PCAB registrations sa ilalim ng pamumuno ni Matienzo.

Nanawagan siya ng lifestyle check, matapos makatanggap ng impormasyon na ang opisyal ay naninirahan sa isang eksklusibong village at nagmamay-ari ng ilang sasakyan.

Ayon kay Khonghun, mahalaga ang integridad sa pamahalaan at dapat tiyakin ng PCAB na tanging mga lehitimong kontraktor lamang ang kanilang inaakredit.

Babala ng kongresista na anumang butas sa sistema ay naglalagay sa panganib ng bilyon-bilyong pisong pondo ng bayan at mahahalagang proyekto.

Itinanggi ni Matienzo ang mga paratang sa pagdinig, at sinabing hindi siya nakatira sa Alabang kundi sa Cupang, Muntinlupa.

Giit ni Khonghun, nakahanda ang Kongreso na isulong ang mas malalim na reporma sa proseso ng akreditasyon upang wakasan ang umiiral na kultura ng katiwalian sa infrastructure contracting.

“This resignation is only the beginning. We owe it to our people to clean up the system so that public funds are protected and projects are delivered honestly and efficiently,” dagdag pa ni Khonghun.

Kinumpirma ni Trade Secretary Cristina Roque na nagbitiw si Matienzo epektibo noong Setyembre 3 dahil umano sa “personal reasons.”