Lacson

Komisyon na tututok sa mataas na singil sa kuryente, brownouts isinusulong

37 Views

ITINUTULAK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng isang pambansang komisyon na magsasama sa mga mambabatas, regulator, ahensya ng pamahalaan at eksperto upang tugunan ang mataas na singil sa kuryente at paulit-ulit na brownout sa bansa.

Sinabi ni Cayetano na maaaring bumuo ng isang ad hoc body na tututok sa loob ng anim na buwan sa matagal nang mga problema sa sektor ng enerhiya at maghahain ng mga agarang hakbang at pangmatagalang solusyon.

“Hindi po sustainable na may mga area na brownout nang brownout, may mga area naman na wala pa ring kuryente until now,” pahayag ni Cayetano sa isang Facebook livestream noong Hulyo 24.

Paliwanag niya, bagama’t may mga komite sa enerhiya ang Senado at Kamara de Representantes, hindi nito direktang pinagsasama ang Department of Energy, Energy Regulatory Commission, mga kumpanya ng kuryente, eksperto mula sa akademya, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga grupo ng consumer.

Iminungkahi ni Cayetano ang isang komisyong katulad ng Congressional Commission on Education, na binubuo ng mga mambabatas, eksperto, kinatawan ng akademya at iba pang sektor upang magsagawa ng malawakang pagsusuri sa sistema ng edukasyon.

Aniya, dapat gumamit ang panukalang komisyon sa enerhiya ng “whole-of-government and whole-of-community approach” sa pagsusuri sa presyo ng generation, mga problema sa transmission, regulasyon, suplay at access sa kuryente.

Inihain ni Cayetano ang panukala ilang araw bago ang State of the Nation Address at sa gitna ng pagtaas ng singil sa kuryente at mga problemang nakaapekto sa suplay sa Luzon at Visayas grids.

Itinaas ng Manila Electric Co. ang residential rate nitong Hulyo sa ₱14.8261 kada kilowatt-hour, mas mataas ng ₱0.3428 kada kWh kumpara noong nakaraang buwan. Katumbas ito ng dagdag na humigit-kumulang ₱69 sa bayarin ng isang tahanang kumokonsumo ng 200 kWh.

Isinailalim sa red alert sa loob ng anim na oras ang Visayas grid noong Hulyo 8 dahil sa kakulangan ng available power supply bunsod ng mga problema sa transmission at power plants.

Tatlong magkakasunod na araw namang nag-red alert ang Luzon grid noong Mayo, habang tinatayang 1.9 milyong Meralco customers ang naapektuhan ng rotational brownouts noong Mayo 13.

“Marami pong nasha-shock na ang electricity bill nila ay P2,000, naging P2,800; P22,000, naging P30,000,” wika ni Cayetano.

Kinilala ni Cayetano ang mga hakbang ng Department of Energy at UPLIFT Committee, ngunit sinabi niyang nangangailangan ang lawak ng problema ng mas malawak at magkakaugnay na pagkilos.

Sa naturang livestream, sinagot din ni Cayetano ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y ghost infrastructure projects sa Taguig City.

“The allegations are general,” pahayag ni Cayetano. “I continue to wait kung ano ’yung specific allegation, and haharapin ko ’yan.”

Nauna nang sinabi ni Senador Panfilo Lacson na nakakita ang kanyang grupo ng tinawag niyang “damning evidence” kaugnay ng umano’y ghost infrastructure projects sa Taguig, ngunit sinabi ni Cayetano na wala pang partikular na alegasyon o ebidensyang inilalabas sa publiko noong panahong iyon.

Nanindigan si Cayetano na walang nakitang ghost project na may kaugnayan sa kanya sa mga paunang pagsusuri ng mga opisyal ng barangay at lungsod at sa mga inspeksyon ng mga tauhan ng pambansang pamahalaan.

“In our preliminary investigations, wala kaming nakitang ghost. Y’ung mga nakita naming may problema, we reported it earlier. No less than the top DPWH officials from the regional to the national level have inspected some of the projects na may problema at hindi kami nagkulang na magsabing, ‘Ito mali ang pagkagawa, ito bakit ganito, ito ang tagal-tagal na,’” aniya.

Sinabi ni Cayetano na bukas siya sa anumang imbestigasyon ngunit iginiit na dapat ding suriin ang mga infrastructure project sa buong bansa sa halip na Taguig lamang ang pagtuunan.