Barbers1

Barbers: Panawagan na dapat sagutin ni VP Sara Duterte mga impeachment charges malakas

Mar Rodriguez Jul 25, 2026
33 Views

MALAKAS ang panawagan ng sambayanang Pilipino na dapat sagutin at pananagutan ni Vice President Sara Duterte ang mga impeachment charges laban sa kaniya batay sa pinakahuling resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS), ayon kay House prosecution panel spokesperson Robert Ace Barbers.

“Malinaw ang mensahe ng survey. Maaaring patuloy na sumusuporta ang mga Pilipino kay Vice President Sara Duterte, ngunit nais din nilang sagutin niya ang mga impeachment charges laban sa kanya. Ang tiwala ng publiko at pananagutan ay maaaring magkasabay,” ayon kay Barbers

Sinabi ni Barbers na pinabulaanan ng resulta ng survey ang mga pahayag na dahil sa mataas na suporta ng publiko kay Duterte ay humina na ang interes sa impeachment proceedings.

“Malinaw na ipinakikita ng sambayanang Pilipino ang pagkakaiba ng popularidad at pananagutan,” sabi ni Barbers.

Binanggit din ni Barbers, dating Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na isinagawa ang survey matapos lumabas ang magkahiwalay na SWS polls na nagpapakitang si Duterte pa rin ang may pinakamataas na satisfaction at trust ratings sa hanay ng mga pangunahing opisyal ng pamahalaan.

“Mas nagiging makabuluhan ang pinakahuling survey na ito. Sa kabila ng kanyang mataas na public ratings, mas malaking mayorya pa rin ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat niyang sagutin ang impeachment charges. Ang pagiging popular ay hindi nangangahulugang ligtas ka na sa pananagutan,” ani Barbers.

Sinabi niya na nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa paghaharap ng mga ebidensya at sa pagbibigay ng pagkakataon sa Senate impeachment court na magpasya batay sa mga katotohanan.

Batay sa Second Quarter 2026 SWS Survey, 70 porsyento ng mga adult na Pilipino ang sumang-ayon na “dapat harapin ni Duterte ang impeachment charges upang masagot ang lahat ng alegasyong may kaugnayan sa mga kasong korapsyon na isinampa laban sa kanya,” ayon pa kay Barbers.