Calendar
Prosecution ihaharap 2 LandBank execs na humawak ng confi funds ni VP Sara
NAKATAKDANG simulan ng House prosecution panel sa susunod na linggo ang pagharap ng mga opisyal at empleyado ng Land Bank of the Philippines (LandBank) na may direktang kaalaman sa pagproseso at pag-withdraw ng ₱612.5 milyon na confidential funds na umano’y nagamit sa maling paraan ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ayon kay House prosecutor Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, inaasahang sisimulan ng prosekusyon ang paglalahad ng ebidensiya kaugnay ng artikulo ng impeachment tungkol sa confidential funds sa Miyerkules, Hulyo 29, kasunod ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng kontra-SONA ng minorya.
“Sa araw po na ’yon ay inaasahan po namin na magsisimula na ’yung paglalahad noong article on confidential funds misuse. So meron na pong mga nakahanay na mga testigo sa araw po na ’yon,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Sinabi ni Ridon na ang mga unang testigo ng prosekusyon ay mga tauhan ng LandBank na direktang humawak sa pagproseso at pag-withdraw ng confidential funds na saklaw ng unang artikulo ng impeachment laban kay Duterte.
“‘Yun pong mga LandBank officials, employees na meron pong intimate knowledge doon po sa processing at withdrawal nitong mga confidential funds na ito ay hopefully maisalang na po sa darating pong Miyerkules,” aniya.
Kabilang sa mga ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena ng Senate impeachment court sina dating LandBank Shaw Boulevard Branch manager Violeta Constantino at dating LandBank Department of Education (DepEd) Branch manager Nenita Camposano.
Inaasahan ng prosekusyon na magbibigay ng testimonya ang dalawang dating branch manager hinggil sa pagproseso, dokumentasyon, at pagpapalabas ng confidential funds na saklaw ng reklamong impeachment.
Naglabas din ng subpoena ang Senate impeachment court kay Marivic Pareja, pinuno ng House Legislative Archives, Museum and Management Service, upang iharap ang mga opisyal na rekord ng Kamara na may kaugnayan sa impeachment proceedings.
Sa artikulo ng impeachment tungkol sa confidential funds, inaakusahan si Duterte ng maling paggamit ng confidential funds noong siya ay Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon. Binanggit dito ang mga umano’y iregularidad sa paggastos at liquidation ng naturang pondo, kabilang ang mga acknowledgment receipt na nakapangalan sa mga indibidwal na kalaunan ay kinuwestiyon ang pagkakakilanlan.
Nauna nang natapos ng prosekusyon ang paghaharap ng ebidensiya kaugnay ng artikulo ng impeachment tungkol sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang paglipat ng pagdinig sa usapin ng confidential funds ay hudyat ng pagsisimula ng presentasyon ng prosekusyon sa isyung naging pangunahing batayan ng kasong impeachment laban sa Bise Presidente.

