Barbers

VP Sara trust, satisfactory rating pwedeng bumulusok o sumadsad–Barbers

Mar Rodriguez Jul 25, 2026
39 Views

SINABI ni House prosecution panel spokesperson Robert Ace Barbers na maaaring bumulusok o sumadsad ang trust at satisfactory rating ni Vice President Sara Z. Duterte kung hindi masasagot ang mga alegasyong ipinipukol laban sa kanya.

Ikinatwiran ni Barbers na posibleng maapektuhan ang public trust at satisfaction ratings ni VP Sara kung hindi kaya at ng kaniyang depensa na masasagot ang mga alegasyong inihain laban sa kanya sa harap ng Senate Impeachment Court.

Ayon kay Barbers, dumarami na ang mga Pilipinong nagiging mulat sa mga ebidensyang inilahad ng prosekusyon habang nagpapatuloy ang impeachment trial.

Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), nananatiling mataas ang suporta ng publiko kay Duterte.

Nagtala siya ng “good” net satisfaction rating na +31, kung saan 58 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing nasisiyahan sila sa kanyang pagganap. Nakakuha rin siya ng “very good” net trust rating na +46, ang pinakamataas sa lahat ng pangunahing opisyal ng pamahalaan.

Maaaring magbago ang mga rating ni Duterte kung mananatiling walang sagot ang mga alegasyon at ebidensyang iniharap laban sa kanya.

“Hangga’t hindi ito nasasagot sa tamang panahon o sa tamang forum, sa aking paniniwala, makaaapekto ito sa trust and popularity rating ng ating bise presidente,” ani Barbers.

Samantala, sinabi ni legal spokesperson at House prosecution counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na masyado pang maaga upang hulaan kung paano magbabago ang opinyon ng publiko.

Ayon kay Tolosa, nararapat lamang na marinig ng mga Pilipino ang ebidensya mula sa magkabilang panig bago sila bumuo ng sariling konklusyon.

“Naniniwala kami pagkatapos nilang masuri ang lahat ng ebidensya, imposibleng hindi maapektuhan kung ano ang opinyon nila sa bagay na ’yan,” wika ni Atty. Tolosa.

Bagama’t kumpiyansa ang prosekusyon sa mga ebidensyang iniharap nito, nasa Senate Impeachment Court pa rin ang pinal na pagpapasya sa kaso matapos makumpleto ng magkabilang panig ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya.