Calendar
LTFRB pinag-aaralan hakbang para mabawasan epekto ng oil price hikes
PINAG-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng inaasahang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sitwasyon sa Middle East.
Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II na pinag-uusapan din ang pagpapanatili, pagpapalawak at posibleng pagtaas ng kasalukuyang fuel discount bilang alternatibong tulong sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Kabilang sa mga panukalang pinag-aaralan ang pagtaas ng P10 kada litrong fuel discount upang makatulong maibsan ang dagdag na gastusin sa operasyon ng mga PUV.
Sa kasalukuyan, saklaw nito ang mga pampasaherong jeepney at UV Express.
Mahigit 87,000 PUV na ang nakinabang sa naturang fuel discount, habang mahigit 143,000 PUV na ang nakatala sa sistema batay sa pinakahuling datos.
“Pinag-aaralan namin ang panukalang ito bilang isa sa mga opsyon habang nagpapatuloy ang mga talakayan at pampublikong konsultasyon sa mga stakeholder sa iba’t ibang panig ng bansa,” dagdag ni Chairman Vigor.
Ayon sa chairman, bagama’t may mga nagsusulong ng pagpapalawak ng fuel discount, mangangailangan ito ng malaking pondo mula sa pamahalaan.
“Sa gitna ng kawalang-katiyakan sa sitwasyon sa Middle East, ang pagpapalawak at pagtaas ng fuel discount ay isa sa mga pinakamakatwiran at praktikal na hakbang na isinasama sa aming mga pagtalakay,” ani Chairman Vigor.
Nauna nang tiniyak ng LTFRB na bibilisan nito ang pagtalakay sa mga nakabinbing petisyon sa taas-pasahe.

