Calendar
Kongresista naghatid ng AKAP aid sa 42 congressional district na lubog sa baha— Garin
NAGKAISA ang mga miyembro ng Kamara de Representantes upang agad na maihatid ang pondo mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa mga pamilyang binaha sa 42 congressional district sa Metro Manila at Rizal.
Ayon kay reelected Iloilo Representative Janette Garin, layunin ng programa na tulungan ang mga manggagawang nawalan ng kita bunsod ng baha na dala ng habagat at pinalakas ng tatlong magkakasunod na bagyo.
Sinabi ni Garin na naipamahagi ang ayuda sa tulong ng maayos na koordinasyon at mabilis na pagkilos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang mga kongresista.
“That was taken yesterday (Wednesday) no. Dahil ngang maraming nangangailangan, nagkaroon ng relief operations,” ani Garin na ang tinutukoy ay ang larawan ng mga miyembro ng 20th Congress na dumalo sa coordination meeting.
“Feeding program, pagbibisita doon sa mga nasa evacuation center… Maybe 42 congressmen, 42 members of the 20th Congress were empowered yesterday (Wednesday) by using AKAP,” dagdag pa ng lady solon.
Paliwanag niya, nagsimula ang inisyatiba sa isang maliit na grupo ng mga kongresista at unti-unting lumawak upang masaklaw ang maraming distrito, sa tulong at pangunguna nina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at mga kinatawan ng Tingog Partylist.
“Nagkaroon ng meeting, alignments and mobilization para naman na ‘yung mga binahaan at nahirapang magtrabaho ay hindi maibsan yung kanilang pagdadalamhati sa epekto ng tatlong bagyo na nagsama-sama,” ani Garin.
Saklaw ng ayuda ang 42 congressional districts sa Metro Manila at Rizal, kabilang ang mga nasasakupan nina Reps. Mia Ynares, Dino Tanjuatco, Jojo Garcia, Tom Hernandez, Ronnie Puno, at Romeo Acop, bukod pa sa naunang 36 na distrito.
Binigyang-diin din ni Garin na ang AKAP ay hindi dapat makita bilang programang may bahid pulitika.
“It’s not pure discretion ano, pero nanduon ‘yung assistance. The actual distribution is being done by the DSWD,” diin ni Garin.
Nilinaw niyang ang tungkulin ng mga kongresista ay ang tumulong sa paglalaan ng pondo at maging tagamasid sa maayos na pagpapatupad nito.
“The role of the legislators is to call the attention of the DSWD… kung meron dun mga na-exclude because of local or barangay politics. Dapat walang pulitika duon sa implementation sa baba,” giit ng mambabatas.
Dagdag pa ni Garin, mahalaga rin ang gamapnin ng mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng lugar at manpower para sa distribusyon.
“Kasi hindi naman kaya ng DSWD na sila lahat… kailangan pagdating doon eh secured ‘yung lugar,” paliwanag niya, sabay sabing ang mga mambabatas ang nagsisilbing mata at tinig ng komunidad kapag may pagkukulang sa pagpapatupad ng mga programa.
Buong tapang ding ipinagtanggol ni Garin ang AKAP program laban sa mga batikos, lalo na sa gitna ng mga kalamidad kung kailan ito lubos na kinakailangan.
“Ang tugon ng Bagong Pilipinas ay agad-agad serbisyo sa taongbayan. Ang hindi ko maintindihan bakit natin kailangan sirain ang isang programa na maganda… ang sagot doon ay crab mentality,” ayon pa sa kongresista.
Paliwanag niya, hindi tulad ng mga lumang subsidy programs, ang AKAP ay nangangailangan ng patunay ng trabaho, kaya’t napupunta ito sa mga manggagawang kulang ang kita.
“Dapat hindi ka tamad, dapat nagtatrabaho ka, dapat kulang ang kita mo. Why are we going to stop that?” tanong ni Garin.
Ayon pa sa kanya, kadalasang natatabunan ng ingay ng kritisismo at maling impormasyon ang tunay na layunin ng programa.
“Nalunod ‘yung boses ng katotohanan dun sa ibang mga fake news… just because they don’t want others to succeed. Ako bilang Pilipino… dapat ihinto natin ang crab mentality na yan,” panawagan ni Garin.
Aniya, tatlong sektor ang nakikinabang sa programa: ang mga manggagawang mababa ang sahod, ang mga employer na umaasa sa kanila, at ang mga taxpayer na nagnanais na mapunta sa tama ang pondo ng gobyerno.
“Napupunta sa tamang nangangailangan ang taxpayers’ money. We are helping those who are helping themselves,” paliwanag ni Garin.
Dahil maraming jeepney driver, public school teacher, daycare worker, at kasambahay ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa mga bagyo, malaki ang naitulong ng AKAP bilang agarang suporta.
“Kapag may problema takbuhan natin ang AKAP, kapag walang problema sisiraan natin. Hindi ko talaga maintindihan,” saad pa ng mambabatas.
Hiniling rin ni Garin na dagdagan ang pondo para sa AKAP habang papalapit ang pagtalakay ng 2026 budget sa Kongreso.
“Definitely, lalo na ngayon na maraming sakuna. Napakahirap ha,” ayon pa kay Garin.

