Garin1

Garin sa mga nais mag-Speaker: Lumabas kayo, di pwedeng patago-tago

257 Views

HINAMON ni re-elected Iloilo Representative Janette Garin ang sinumang may balak na labanan sa speakership si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na lumabas at huwag itong idaan sa “proxy war.”

“Sa totoo lang, minsan hindi ko rin maintindihan kasi dati-rati naman kapag ikaw ay may interes sa isang posisyon nagpapakita ka,” ani Garin sa isang online media briefing nitong Huwebes.

“In this case, maraming bulong-bulong, maraming lumalabas sa media. Merong iba lumalabas sa social media pero lahat ito parang proxy war,” dagdag pa niya.

Hindi pinangalanan ni Garin ang kasamahan na hindi pa inihahayag ang intensyon na labanan si Romualdez sa panibagong termino bilang Speaker ng 20th Congress.

Ginawa ni Garin ang pahayag matapos sabihin ni Cebu Rep. Duke Frasco sa isang social media post ang kanyang desisyon na huwag suportahan ang speakership bid ni Romualdez. Siya ang kauna-unahan na nagsapubliko ng naturang posisyon.

“Napakahirap na merong iba na nag-iinteres na maging Speaker pero sila mismo ay hindi nila kayang lumabas, magsalita at sabihing interesado sila sa speakership post,” ani Garin.

Nagbabala rin si Garin na ang ganitong klase ng “behind-the-scenes maneuvering” ay nakakasira sa kredibilidad ng isang kandidato at nakukiwestyon ang kanilang kahandaan para sa mas mataas na tungkulin.

“So, if you don’t have the guts to come out in the open and appear na ikaw nga ay interesado sa posisyon, paano ka naman magkakaroon ng guts na labanan ang problema ng sambayanang Pilipino?”

Binigyang-diin ni Garin na ang pamumuno sa Kamara de Representantes, na binubuo ng mahigit 300 miyembro, ay nangangailangan ng transparency, katapangan, at pananagutan sa publiko.

“Kailangan ikaw bilang leader ng ating more than 300 plus na congressmen. So ang nakikita natin dito sa tinanda ko, sa tagal ko na sa Kongreso, ‘yung positioning becomes an area of bargaining and I believe dapat ito ihinto,” sabi ni Garin.

Nanawagan din siya na tigilan na ang paggamit ng speakership race para lang makakuha ng ibang puwesto sa Kamara.

“Kasi ang positioning kapag ikaw ay may gustong posisyon, with that power comes responsibility and accountability.”

“Hindi pwede on my part, sa pananaw ko, hindi maganda na parang magpo-posisyon ka ng Speaker pero at the same time you’re just rooting for a bargaining post,” dagdag niya.

Para kay Garin, dapat ay batay sa merito ang pagpili ng mga lider sa Kamara—hindi sa koneksyon o utang na loob.

“At dapat doon, bawat posisyon – Speaker man ‘yan, Deputy Speaker man ‘yan, chairmanship man ‘yan – ipriprisinta mo ang sarili mo sang-ayon sa kakayanan mo, sa kapabilidad mo at sa iyong historical performance.”

“That is how we should choose the leadership positions in the House of Representatives.”

“Hindi pwede ‘yung kakilala ni ganito, hindi pwede ‘yung o sige para hindi na manggulo bigyan ng posisyon because with that position comes accountability,” pagtatapos ni Garin.