Dr. Jose Antonio Goitia Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. JONJON C. REYES

Goitia kinondena blog na ginagamit sa paninira

Jon-jon Reyes Jul 24, 2025
207 Views

MARIING kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia, chairman Emeritus ng apat na kilalang civic organizations, ang isang blog na lumutang kamakailan sa social media at nagsusubok umanong idawit si First Lady Liza Araneta Marcos sa trahedya ng isang negosyantesa Estados Unidos.

Sa isang panayam, tinawag ni Goitia ang naturang blog na “malisyoso, iresponsable, at walang pakundangan.” Iginiit niya na ang layunin nito ay pulitikal na paninira sa halip na makatulong sa paghanap ng katotohanan.

“May namatay. May naulilang pamilya. Sa halip na igalang ang lungkot ng mga naiwan, pinipilit pang isangkot ang isang tao na wala sa lugar ng insidente, na wala sa kahit anong ulat, na wala sa anumang imbestigasyon. Anong klaseng pananagutan ang gusto nilang ipataw?,” ani Goitia.

Para kay Goitia, walang anumang batayan ang blog.

Ayon pa kay Goitia, mapanganib ang ganitong klase ng pag-aanalisa sa mga online platform kung saan ginagawang tanong ang mga paratang upang makalikha ng duda, galit, at sensasyonalismo.

“Hindi ito mga tanong. Mga bala ito na binalot sa pekeng kuryosidad,” aniya.

Binigyang-diin din ni Goitia na kilala niya si First Lady Liza Araneta Marcos, at aniya’y saksi siya sa kredibilidad at dedikasyon nito sa tungkulin.

“Disiplinado siya, seryoso sa trabaho, at hindi pumapayag sa kalokohan. Malinis ang kanyang hangarin at alam niya ang bigat ng kanyang posisyon,” dagdag ni Goitia.

Bagamat kinikilala niya ang kalungkutan at bigat ng insidente, sinabi ni Goitia na ang dapat managot ay ang tunay na may kinalaman, hindi ang mga pinipilit lang idamay.

“Huwag nating gamitin ang pagdadalamhati ng iba para sa sariling agenda. Hayaan nating makapagluksa ang pamilya nang tahimik at may dignidad,” ani Goitia.

Bilang pagtatapos, nanawagan siya ng pagpapanatili ng disiplina sa pananagutan at ng kaayusan sa diskursong publiko.

“Maari tayong magtanong nang may respeto. Maari tayong magpursige para sa katotohanan nang hindi bumababa sa tsismis at paninira. Sa gitna ng lahat ng ito, huwag nating kalimutan ang pagkatao ng bawat isa.”