Buwis

Panukala alok ay tax break, ginhawa sa maliliit na negosyo

293 Views

ISINUSULONG ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na “Granting Increase in Take-Home Pay for All Working Filipinos Act” o GINHAWA, na layong magbigay ng tax breaks sa mga micro enterprise upang palakasin ang kanilang operasyon at isulong ang kanilang integrasyon sa pormal na ekonomiya.

Sa ilalim ng panukala, papayagan ang mga micro business—mga negosyong may taunang kita na hindi lalampas sa P3 milyon—na mag-claim ng karagdagang tax deduction na katumbas ng 50% ng kanilang gastos sa pasahod. Kabilang sa mga ito ang mga sari-sari store, karinderya, tailoring at beauty services, at souvenir shop na karaniwang may mas mababa sa sampung empleyado.

“Kapag pinaluwag natin sa buwis ang mga maliliit na negosyo, mas makakakilos silang magtaguyod ng kabuhayan dahil ang buwis na ginhawa para sa kanila, ang kapalit ay pag-unlad at trabaho para sa ating mga kababayan,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin din ng senador na bahagi ng layunin ng GINHAWA Bill ang paghikayat sa mga negosyanteng hindi pa rehistrado na makilahok sa pormal na sistema sa pamamagitan ng pagparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng access sa formal loans at iba pang suporta upang mapalago ang kanilang negosyo.

Sa huli, iginiit ni Gatchalian na ang GINHAWA Bill ay hindi lamang nagbibigay ng tax relief kundi nagsusulong din ng mas inklusibo at pangmatagalang pag-unlad para sa sektor ng maliliit na negosyo.