Lacson

Nat’l Land Use Bill itinutulak sa Senado

335 Views

ISINAMPA ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang Senate Bill No. 400 o ang panukalang “National Land Use Act of the Philippines,” na layuning bumuo ng iisang pambansang batayan sa paggamit ng lupa. Binibigyang-diin sa panukala ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, sapat na suplay ng pagkain at tubig, kahandaan sa kalamidad, at pantay-pantay na paggamit ng lupang pag-aari ng bansa.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang panukala ay isang hakbang upang resolbahin ang mga suliranin gaya ng salungatang pag-aangkin sa lupa, walang kontrol na urbanisasyon, at hindi maayos na plano sa pag-unlad. “The proposed National Land Use Act represents a significant legislative effort to bring order and coherence to land use planning and management in the Philippines,” saad ni Lacson. “If enacted, this legislation would provide a robust legal framework to guide development, enhance food and water security, mitigate disaster risks, and promote equitable and inclusive growth across the archipelago.”

Sentro ng panukala ang pagbuo ng National Land Use Commission (NLUC) sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo. Papalitan nito ang Land Use Committee ng NEDA at magiging pangunahing tagabuo ng mga patakaran ukol sa paggamit ng lupa at pisikal na pagpaplano. Ang Pangulo ang magiging tagapangulo, habang ang mga kalihim ng Department of Economy, Planning and Development at Department of Environment and Natural Resources ang magsisilbing mga bise tagapangulo.

Kasama sa komisyon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, mga sektor tulad ng magsasaka, mangingisda, maralita sa lungsod, katutubo, pati na rin ang mga pribadong developer at propesyonal sa land use. Maghahanda ang NLUC ng 30-taóng National Physical Framework Plan na magsisilbing gabay sa paggawa ng mga plano ng mga lalawigan, rehiyon, at LGU. Kailangang tugma ang mga ito sa pambansang direksyon at isasailalim sa regular na rebisyon.

Upang maging batay sa datos ang pagpaplano, inaatasan ng panukala ang pagkakaroon ng National Base Mapping Program at Nationwide Geo-Hazard Mapping Program. Layunin nito na matukoy ang mga lugar na lantad sa pagbaha, landslide, lindol, at iba pang panganib. Ang mga lokal na pamahalaan ay inaatasang gamitin ang mga mapang ito bilang gabay sa kanilang development plans.

Bukod dito, isinusulong din ang pagsama ng land use education sa mga aralin sa paaralan, pati na rin ang pagsasagawa ng pambansang kampanyang pangkaalaman upang itaguyod ang wastong paggamit ng lupa.

May kalakip ding mahigpit na parusa ang panukala. Ang mga landowner o developer na hindi makakasunod sa aprubadong conversion plan ay pagmumultahin batay sa zonal value ng lupa, awtomatikong kakanselahin ang conversion order, at ibabalik ito bilang lupang pansakahan na ipapamahagi ng DAR. Kapag walang proyekto ang nasimulan sa loob ng isang taon, ang multa ay aabot mula 6% hanggang 30% depende sa laki ng lupa. Kung hindi rin matatapos ang kalahati ng proyekto, magmumulta ng 50% ng zonal value at mawawalan ng pahintulot sa nalalabing bahagi ng conversion.

Sakaling hindi maisakatuparan ng mga opisyal ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP), maaari silang masuspinde mula tatlo hanggang siyam na buwan at mawalan ng sahod at allowance. Ang sinumang mahuling sangkot sa ilegal na conversion o pag-reclassify ng protektadong agricultural lands ay maaaring makulong ng pito hanggang labindalawang taon at pagmumultahin ng hanggang ₱100,000. Ang mga opisyal na mapatunayang lumabag ay hindi na maaaring maghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Itinatakda rin sa panukala ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga agrarian beneficiaries na maaapektuhan. Maaaring tumanggap sila ng kabayaran na limang beses ng kanilang karaniwang ani sa loob ng limang taon, o bahagi ng na-convert na lupa—alinman ang mas mataas, batay sa pagtaya ng DAR.

Bilang insentibo, bibigyan ng prayoridad sa tulong teknikal at mga programa ang mga LGU na maagap sa pag-update at pagpapatupad ng kanilang land use plan.

Isang Congressional Oversight Committee, na may kapantay na bilang ng kinatawan mula sa Senado at Kamara, ang bubuuin upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng batas. May tatlong taon ang mga lokal na pamahalaan upang iakma ang kanilang mga umiiral na plano sa bagong pambansang balangkas.

Binigyang-diin ni Lacson na panahon na upang magkaroon ng malinaw, organisado, at pangmatagalang patakaran sa paggamit ng lupa sa Pilipinas—isang mahalagang hakbang para sa napapanatiling pag-unlad at pangangalaga sa likas na yaman ng bansa.