Calendar
Kongreso inaprubahan P216B DA budget
APRUBADO na ng Kongreso ang P216.1 billion budget ng Department of Agriculture (DA) para sa 2026 na mas mataas ng P39.4 billion sa orihinal na alokasyon na P176.7 billion, ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Nakalaan ang karagdagang pondo para sa pagpapalago ng mga pangunahing agricultural infrastructure, pagpapalawak ng crop insurance at mapalaki ang mga productivity program lalo na para sa high-impact commodities tulad ng niyog.
Sa pagdepensa sa budget ng DA sa mga ginanap na plenary debate, sinabi ni Pampanga Rep. Anna York Bondoc na mahalaga ang karagdagang pondo para sa kritikal na economic pillar ng bansa–ang agrikultura dahil ito ang nagbibigay ng kabuhayan sa isa sa bawat limang Filipino at nakaka-contribute ng may 10% sa gross domestic product.
“These additional funds are a powerful testament of our recognition that our investment in agriculture is an investment into our shared future. It means direct support for hardworking farmers, better technology for our fisherfolk, and a more stable and resilient food supply for every Filipino family,” sabi ni Bondoc.
Pinangako pa ni Bondoc na tutulong sa pag-apruba ng naturang measure sa pamamagitan ng Senate and bicameral conference committee.
Bahagi ng realignment order na ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang dagdag alokasyon. Iniutos ng Pangulo ang redirection ng may P250 bilyon mula sa kontrobersyal na flood control projects para sa agriculture, education at social welfare.
Mula sa P39.4 billion increase, mapupunta ang P22.5 billion sa tanggapan ng kalihim para sa mga flagship project tulad ng farm-to-market roads, cold storage facilities, at solar-powered irrigation systems.
Ang natitirang P16.9 billion naman ay pang suporta sa coconut replanting, enhanced crop insurance, fish port upgrades, farm-to-mill roads para sa sugar areas, at modern post-harvest facilities.
Pinasalamatan ni Tiu Laurel ang mga mambabatas sa ibinigay nilang suporta sa kanilang panukalang pondo.

