Calendar
Rehistro ng sasakyan ending Sept 30 pinalawig hanggang Oct 3
PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang validity ng rehistro ng sasakyan at lisensya na nakatakdang mag-expire noong Setyembre 30.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang desisyong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga mamamayang naapektuhan ng mga kalamidad.
“Ipinaabot ko na ang memorandum sa ating mga regional director hanggang sa mga district office kaugnay ng pagpapalawig ng deadline,” ani Asec. Mendoza.
Dagdag pa niya, ang pagpapalawig ng validity bunsod din ng kanselasyon ng trabaho sa gobyerno sa Metro Manila at iba pang apektadong lugar bilang bahagi ng mga safety measures dahil sa pananalasa ng mga bagyo.
Nakasaad din sa parehong memorandum na wala munang ipapataw na multa para sa late registration ng sasakyan at late renewal ng lisensya.
“Ang validity ng rehistro ng sasakyan na mag-e-expire ngayong Setyembre 30, 2025 at mga lisensyang nakatakdang i-renew sa parehong petsa ay pinalawig, at walang multang ipapataw hanggang Oktubre 3, 2025,” dagdag pa rito.
Bukod sa bagyong Opong, nagdulot din ng kanselasyon ng trabaho sa gobyerno ang malalakas na ulan dala ng habagat at bagyong Mirasol at Nando.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang pagpapalawig ng deadline isa sa mga paraan ng LTO upang matulungan ang mga motorista na naapektuhan ng masamang panahon.

