Valeriano

Finger heart ni Sara Discaya ikinadismaya ni Valeriano

Mar Rodriguez Sep 30, 2025
161 Views

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano kaugnay sa pagsenyas ni Sarah Discaya ng “finger heart” na mistulang isang palatandaan umano ng pang-iinsulto nito sa mga mamamayang Pilipino.

Pagbibigay diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na sa ginawang pagmumustra ni Discaya ng finger heart habang patungo sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ay harap-harapang paghamak sa dignidad ng mga Pilipino sa gitna ng eskandalo at anomalyang kinakaharap nito tungkol sa multi-bilyon pisong flood control projects.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi na isinaalang-alang ni Discaya ang mararamdaman ng mga mamamayan na makakakita sa kaniyang gimmick (finger heart) partikular na ang mga mahihirap na nalulubog sa baha dahil sa mga palpak na flood control projects nito, ang mga taong namamatay sa leptospirosis matapos lumusong sa baha at ang mga nagdarahop na Pilipino.

Ayon pa kay Valeriano, ang finger heart ni Discaya ay mistulang sampal sa mukha ng mga Pilipino sapagkat ito ay nagpapakita ng kaniyang pagiging kampante, kawalan ng pakiramdam o insensitivity at kawalan din ng respeto para sa mga Pilipinong naaapektuhan ng eskandalo ng flood control projects.

Sinabi pa ng Metro Manila solon na ang ipinamalas na asal ni Discaya ay maituturing din na pang-iinsulto sa damdamin ng taongbayan at higit sa lahat aniya para lalo pa nitong iniinis ang mga mamamayan sa gitna ng mainit na isyu sa flood control projects.

“Manhid ba siya? Hindi na ba niya inisip kung ano ang mararamdaman ng mga kababayan natin na makakakita sa kaniyang gimmick? Ano ba ang gusto niyang patunayan? Parang mas lalo pa niyang iniinis ang taongbayan sa ginawa niya,” ani Valeriano.

Sinang-ayunan din ni Valeriano ang pahayag ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na ang pagpapamalas ng finger heart ni Discaya ay tanda aniya ng pagiging kampante at insinseridad.