Lacson

Lacson di na babalik bilang chair ng Senate Blue Ribbon Commitee

317 Views

“WALA NG BALIKAN.”

Ito ang tahasang sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson kung saan ay iginiit niya na hindi na niya babawiin ang pagbibitiw bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan ay ipinaliwanag niya rin na kapag nawala ang tiwala ng mga kasamahan, wala nang dahilan para manatili pa ang isang tulad niya sa nasabing posisyon.

Sa panayam sa DZMM Teleradyo noong Oktubre 11, malinaw niyang sinabi na tapos na ang usapin. “Baka malabo na, Victoria. That’s beyond me now. Wala na,” aniya Lacson.

Ipinaliwanag niyang ang pagiging chair ay nakasalalay sa tiwala ng mayorya. “Kapag naramdaman mong hindi ka na pinagkakatiwalaan ng mga kasamahan mo, ang tama at marangal ay magbitiw. Sila rin naman ang nagluklok sa iyo,” dagdag niya.

Ayon kay Lacson, hindi ito usapin ng pagmamataas kundi ng dangal at respeto sa institusyon. “Hindi ka dapat kumapit sa posisyon na nakasalalay sa kumpiyansa ng iba. Mas mainam na umalis nang malinis upang magpatuloy ang trabaho,” paliwanag niya.

Itinanggi rin ni Lacson ang mga paratang na iniiwasan umano niyang tukuyin ang mga tunay na may kagagawan at sa halip ay inuugnay ang ilang senador sa DPWH flood-control controversy. Giit niya, ang imbestigasyon ay pinangungunahan ng ebidensiya, hindi ng mga personalidad, at dapat hayaang matapos ito sa tamang proseso.

“Dapat ’yung ebidensiya ang humila sa direksiyon ng imbestigasyon — hindi ang impluwensiya ng tao,” aniya, at idinagdag na bagaman may mga puna na nawawala sa pokus ang pagdinig, hindi pa ito tapos at walang sinumang pinoprotektahan o tinatarget nang hindi makatarungan.

Ibinunyag ni Lacson na sa humigit-kumulang 8,000 flood-control projects ng DPWH, may 421 na “ghost projects” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱33 bilyon mula sa kabuuang ₱629 bilyong inilaan noong 2023–2025. Upang mabilis na mabawi ang pondo, iminungkahi niya ang plea-bargain arrangement kung saan maaaring mas magaan na sentensiya kapalit ng agarang pagbabalik ng 75 hanggang 80 porsiyento ng ninakaw na pera. “Kung maibabalik agad ang ₱26 bilyon, mas makabubuti iyon kaysa hintaying umabot pa ng ilang taon ang hatol habang nagugutom ang tao,” aniya. Hinikayat niya ang Ombudsman at mga hukuman na isama ang pamamaraang ito upang mapabilis ang katarungan at maibalik ang pera ng bayan.

Nanawagan din siya na alisin ang karamihan sa mga “unprogrammed funds” sa 2026 budget dahil nagiging daan ito ng political insertions at hindi patas na alokasyon.

Matapos ang pagbibitiw ni Lacson, pansamantalang itinalaga si Sen. Erwin Tulfo bilang acting chair ng komite. Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang kapalit ay pagdedesisyunan ng mismong Blue Ribbon Committee sa pamamagitan ng caucus ng mga miyembro nito.