Lacson

Lacson di titigil sa paglaban sa katiwalian

283 Views

SA lawak umano ng katiwalian sa programa ng imprastruktura ng pamahalaan—mula sa mga flood control project hanggang sa mga farm-to-market road—mas madali na raw ngayong bilangin kung sino ang hindi nagkasala kaysa sa mga sangkot, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes.

Ito ay matapos suriin ni Lacson at ng kanyang staff ang mga “classified” na dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na una na niyang ibinunyag bilang bahagi ng umano’y sistematikong iregularidad sa mga palpak at “ghost” flood-control project.

“Reviewing the piles of ‘classified’ DPWH documents which I shared with my staff, we all wondered aloud if the more appropriate question to ask is, ‘Who is not?’ rather than, ‘Who is guilty?’. So sad to realize how widely corrupt our government infrastructure program has gone,” ani Lacson sa isang post sa X.

Binanggit ni Lacson ang paunang natuklasan ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi bababa sa 421 sa humigit-kumulang 8,000 flood-control projects na sinuri ng DPWH, Department of Economy, Planning and Development (DepDev), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay mga “ghost” o pekeng proyekto.

Ibinahagi rin niya ang pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian na mahigit ₱10 bilyon halaga ng mga farm-to-market roads na nakaprograma sa 2023 at 2024 national budgets ay sobrang overpriced—kung saan may isang proyekto na 23 beses ang halaga ng standard price na itinakda ng DPWH, at ang iba naman ay may markup na umaabot hanggang 70 porsiyento.

Noong Agosto at Setyembre, ibinulgar ni Lacson sa dalawang privilege speech ang umano’y lawak ng katiwalian sa DPWH, kung saan isinugal pa umano ng ilang opisyal ang pera ng taumbayan sa mga casino. Ibinunyag din niya ang iba’t ibang “money-making schemes” na kinasasangkutan umano maging ng mga junior personnel ng DPWH.

Marami ring kaso ng maling gawain ang lumabas sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Lacson. Isinumite na umano niya sa Independent Commission for Infrastructure at Department of Justice ang mga ebidensyang nakalap sa paghahanda ng kanyang privilege speech at mula sa mga pagdinig ng Blue Ribbon upang papanagutin ang mga sangkot.

Paulit-ulit na binigyang-diin ni Lacson ang kahalagahan ng lohikal na konklusyon—ang pag-usig, pagkakakulong, at katiyakan ng parusa para sa mga sangkot.

Bagaman nagbitiw na si Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee, iginiit niyang hindi ito nangangahulugang titigil na siya sa paglaban sa katiwalian.