Sara

Lacson: Impeachment trial ni VP Sara maaaring umabot sa unang bahagi ng 2027

38 Views

NAGBABALA si Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring umabot sa unang bahagi ng 2027 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung hindi bibilis ang Senate Impeachment Court at patuloy na mauubos ang oras sa mga usaping walang kaugnayan sa kaso.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Lacson na kailangang pabilisin ang proseso upang hindi humaba ang paglilitis.

“Entitled siya sa speedy trial,” sinabi niya.

Ani Lacson, maaaring magtanong ang mga senator-judge upang linawin ang mga puntong hindi nila nauunawaan.

Ngunit nakauubos aniya ng oras at nakapagpapabagal sa paglilitis ang mga tanong at manifestation na naglalabas ng mga usaping walang kaugnayan sa impeachment case.

Sinabi ni Lacson na maaaring umabot sa unang bahagi ng 2027 ang trial kung hindi bibilis ang takbo ng mga pagdinig.

Hindi niya tinukoy kung aling mga tanong o manifestation ang itinuturing niyang walang kaugnayan sa kaso.