Martin

Handang Harapin ni Dating ex-Speaker Romualdez ang anumang reklamo — tagapagsalita

222 Views

MULING iginiit ng kampo ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Biyernes na handa ang dating Speaker na sagutin ang anumang reklamong isasampa laban sa kanya at nananatiling kumpiyansa na susuportahan ng ebidensya ang kanyang panig, ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Elaine Atienza.

Inilabas ni Atienza ang pahayag kasunod ng mga ulat na isinailalim na ng isang espesyal na panel ng mga imbestigador mula sa Office of the Ombudsman sa preliminary investigation ang mga reklamong plunder, direkta at hindi direktang panunuhol, graft, at paglabag sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) laban kay Romualdez at sa iba pang indibidwal kaugnay ng kontrobersiya sa mga proyekto sa flood control.

Ayon kay Atienza, matagal nang ipinapahayag ni Romualdez na handa siyang tugunan ang anumang paratang sa pamamagitan ng tamang legal na proseso.

“Tulad po ng nasabi na namin noon pa man, handa si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na harapin ang anumang reklamo laban sa kanya,” ani Atienza.

Layunin ng reklamo na hilingin sa mga piskal na magsagawa ng preliminary investigation upang matukoy kung may sapat na batayan (probable cause) para magsampa ng kaso sa hukuman.

Sinabi rin ni Atienza na naniniwala si Romualdez na sa isang patas na pagdinig na nakabatay sa ebidensya ay mapatutunayan ang kanyang panig.

“Naniniwala kami na kung magkakaroon ng patas na laban at patas na paghuhusga batay sa ebidensya, mapapatunayan ni Rep. Romualdez ang kanyang panig,” dagdag niya.

Nanawagan din si Atienza sa publiko na hayaang umusad ang legal na proseso.

“Hinihiling lamang namin sa publiko na hayaang manaig ang proseso at ebidensya ang magpasya,” aniya.