Calendar
Lacson itinangging nagtakda ng deadline sa Disyembre sa trial ni VP Sara
ITINANGGI ni Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes na nagtakda siya ng Disyembre bilang deadline sa pagtatapos ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio.
Naglabas ng paglilinaw si Lacson matapos umalma sa pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na umano’y sinabi niyang dapat matapos ang paglilitis pagsapit ng Disyembre.
“A classic case of putting words into my mouth. I never said, ‘Dapat matapos ang impeachment by December.’ I do not have the power or influence to dictate the timeline,” ani Lacson sa X.
Ayon sa pahayag ni Lacson, iniugnay sa kanya ni Cayetano ang December timeline habang tinatalakay sa isang panayam ang umano’y mga banta laban sa mga miyembro ng minorya sa Senado.
Sa mga nauna niyang pahayag, binanggit ni Lacson ang Disyembre bilang posibleng abutin o lampasan ng paglilitis—hindi bilang petsang dapat itong matapos.
Nauna rin niyang sinabi na hindi niya nakikitang matatapos ang kaso pagsapit ng Disyembre kung hindi bibilisan ang mga pagdinig. Nagbabala siyang maaari itong umabot sa unang bahagi ng 2027 kung mananatiling mabagal ang takbo ng trial.
Isinusulong ni Lacson ang mas mahahabang pagdinig upang mapabilis ang kaso nang hindi isinasakripisyo ang maayos na presentasyon ng ebidensiya.
Kabilang sa panukalang iskedyul ang regular na sesyon ng Senado sa umaga at impeachment proceedings mula 2:30 hanggang 7:30 ng gabi, na maaari pang pahabain kung kinakailangan.
Walang impeachment trial mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 8 dahil sa deliberasyon sa pambansang badyet. Inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9.
Wala pang opisyal na petsa kung kailan matatapos ang impeachment trial.

