BI

4 na dayuhan inaresto, ipapa-deport ng BI

Jun I Legaspi Sep 15, 2026
123 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang apat na dayuhan sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa Rizal, Quezon City, at Mandaluyong City noong Setyembre 7 dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas imigrasyon ng Pilipinas.

Isinagawa ang mga operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahigpit na ipatupad ang mga batas sa imigrasyon at iba pang kaukulang batas.

Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato S. Manahan Jr., ang unang operasyon ay isinagawa sa Cainta, Rizal, batay sa Mission Order No. 2026-324 na inilabas noong Setyembre 4.

Inaresto sina alyas Lamber, 43, at Ranjodh, 27, kapwa Indian nationals. Si Lamber ay umano’y peke ang nakuha niyang resident visa, habang si Ranjodh ay walang maipakitang wastong dokumento at itinuring na undocumented alien. Kapwa sila ay sangkot umano sa “5-6” lending activities.

Sa hiwalay na operasyon sa Fairmont Park Subdivision, Quezon City, inaresto ng BI si alyas Kulwinder, 36, Indian national, batay sa Mission Order No. 2026-323. Kanselado na ang kanyang visa kaya’t siya ay undocumented alien. Siya rin ay sangkot umano sa “5-6” lending activities.

Samantala, inaresto ng BI si Saeid, 33, isang Iranian national, sa Sto. Cristo, Highway Hills, Mandaluyong City, batay sa Mission Order No. 2026-325.

Siya ay nahuli habang umano’y nagnenegosyo nang walang kaukulang visa. Siya rin ay kinasuhan ng pandaraya at maling pahayag sa kanyang dating work visa, pagiging undesirable, at kabiguang ipaalam sa BI ang kanyang paglilipat ng tirahan.

Ayon kay Manahan, ang tatlong operasyon ay isinagawa sa koordinasyon ng mga kaukulang yunit ng Philippine National Police (PNP) sa kani-kanilang lugar.

Ang apat na dayuhan ay dinala sa BI Warden’s Facility at mananatili sa kustodiya habang isinasagawa ang deportation proceedings.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado sa mga dayuhan na sumunod sa batas imigrasyon ng Pilipinas.

“Malugod naming tinatanggap ang mga dayuhan na nais manatili at magnegosyo nang legal sa Pilipinas, ngunit kinakailangan nilang igalang at sundin ang aming mga batas sa imigrasyon. Ang mga lalabag ay pananagutin at haharap sa kaukulang aksyon,” ani Viado.

Tiniyak ng BI Intelligence Division na ipagpapatuloy nito ang intelligence-driven operations laban sa mga dayuhang sangkot sa paglabag sa batas imigrasyon at iba pang ilegal na gawain.