Mga SALN ni VP Sara hinimay ng 8 senator-judges sa 25th araw ng trial

107 Views

HINIMAY ng walong senator-judge kung saan dapat ideklara ang halaga ng shares of stocks, kung maaaring pagsama-samahin ang iba’t ibang personal property at kung aling tanggapan ang sumusuri kung totoo ang mga nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-25 araw ng impeachment trial nitong Martes, Setyembre 15, nagtanong sina Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero at Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Joel Villanueva, Vicente “Tito” Sotto III, Risa Hontiveros, Panfilo “Ping” Lacson, Raffy Tulfo at Lito Lapid kay Atty. Karen S. Batu ng Office of the Ombudsman.

Iniharap si Batu, officer-in-charge ng Central Records Division ng Ombudsman, bilang ikalawang testigo ng prosekusyon sa Article II. Saklaw nito ang mga alegasyon ng unexplained wealth, paglabag sa SALN at hindi pag-divest sa ilang business interest.

Kinuwestiyon ni Escudero kung saan maaaring ilagay ng isang opisyal ang acquisition cost ng kanyang business interest dahil walang nakalaang kahon para rito sa bahagi ng form tungkol sa business interests and financial connections.

Sinabi ng prosekusyon na ang shares of stocks at acquisition cost nito ay dapat ideklara sa hiwalay na bahagi para sa personal properties.

Nilinaw naman ni Pangilinan na bagaman walang acquisition-cost column sa business-interests section, mayroon nito sa personal-properties section. Kinumpirma ni Batu na may puwang para sa acquisition cost sa bahaging iyon ng form.

Sa ilalim ng mga patakaran ng Civil Service Commission, ang shares of stocks ay personal property at ang acquisition cost ay ang halagang ibinayad sa pagkuha ng shares, hindi ang market value nito sa katapusan ng taon.

Tinanong din ni Escudero kung ang mga isinumiteng rekord ay ang mga itinamang bersiyon ng SALNs ni Duterte.

Ipinaliwanag ng presiding officer na ang iniulat na mga pagwawasto sa 2016 at 2019 records—kaugnay ng address ng kanyang ama at pangalan ng isang kamag-anak—ay inilagay sa mga liham at hindi isinama sa kapalit na SALN forms.

Inusisa naman ni Villanueva kung hanggang kailan maaaring itama ang isang SALN, kung nabibigyan ang opisyal ng pagkakataong magpaliwanag at kung sinusuri ng Ombudsman ang dokumento sa anyo at nilalaman.

Ayon kay Batu, ang review and compliance committee ng ahensiya ng opisyal ang tumitingin sa posibleng kakulangan bago ipadala ang SALN sa repository. Kapag nasa Ombudsman na, tinitingnan lamang ng kanyang dibisyon ang form, pangalan sa submission list, lagda, petsa at pagination.

Sinabi niyang hindi sinusuri ng Central Records Division kung totoo ang bawat idineklarang ari-arian, utang, negosyo o halaga.

Tinanong din ni Villanueva kung maaaring ilagay ang cash on hand at cash in bank sa ilalim ng “other personal properties,” lalo na bago ipalabas ang 2025 guidelines.

Tumanggi si Batu na magbigay ng legal na konklusyon. Sinabi lamang niyang sa kanyang sariling karanasan, magkahiwalay niyang idinedeklara ang cash on hand at cash in bank kahit bago ang 2025 guidelines.

Tinalakay naman ni Sotto ang 30-araw na panahong ibinibigay sa isang opisyal upang kumpletuhin o itama ang SALN matapos makatanggap ng kaukulang utos mula sa kanyang ahensiya.

Tinanong din niya kung dapat ideklara ang foreign-currency deposit. Binasa ni Escudero ang patakarang kailangang iulat ito sa katumbas na halaga sa piso batay sa umiiral na exchange rate sa petsa ng pag-uulat.

Hindi masabi ni Batu kung karaniwang nagdedeklara ng foreign currency ang mga opisyal dahil hindi isa-isang sinusuri ng kanyang dibisyon ang mga entry sa SALNs.

Tinanong naman ni Hontiveros kung dapat ilagay sa personal properties ang acquisition cost ng shares at kung maaaring pagsama-samahin bilang “various items” ang mga ari-ariang magkakaiba ang uri.

Binanggit niya ang patakaran na maaaring kolektibong ideklara ang personal properties na magkakatulad ang uri. Tumanggi si Batu na magbigay ng legal na interpretasyon dahil records custodian lamang siya.

Tinutukan ni Lacson ang posibleng epekto sa net worth kung may nakalistang business interest ngunit hindi nakasaad ang halaga ng kaugnay na shares.

Tinanong niya kung maaaring mas mababa sa tunay na halaga ang lumabas na net worth dahil dito. Sumang-ayon ang prosekusyon na posibilidad iyon ngunit tumanggi si Batu na gumawa ng ganitong konklusyon mula sa mga rekord.

Sinabi rin ni Batu na walang natagpuang 2013 at 2014 SALNs ni Duterte sa mga rekord na sinuri ng Ombudsman Mindanao. Wala rin umanong natagpuang 2013 exit SALN.

Nilinaw ni Batu na ang masasabi lamang niya ay walang natagpuang mga dokumento sa mga rekord na sinuri ng Ombudsman.

Inusisa naman ni Tulfo kung awtomatikong ilegal ang pagtaas ng net worth at kung maaaring walang ideklarang cash on hand ang isang opisyal kung wala talaga itong hawak na salapi sa petsa ng pag-uulat.

Hindi sinabi ni Batu na ilegal sa sarili nito ang pagtaas ng net worth. Sinabi rin niyang posibleng walang cash on hand ang isang declarant kung wala talaga itong hawak na salapi sa petsa ng pag-uulat.

Hiwalay na idinedeklara sa SALN ang cash in bank at iba pang financial assets.

Tinanong naman ni Lapid kung kailangang ideklara ang dollar account, kung dapat itong iulat sa katumbas na halaga sa piso at kung may kaparusahan ang hindi paghahain ng SALN.

Sinabi ni Batu na nakasaad sa Omnibus SALN Guidelines na kailangang ideklara sa katumbas na halaga sa piso ang foreign-currency asset. Sinabi rin niyang ang hindi paghahain ng SALN ay maaaring maging paglabag sa Republic Act No. 6713.

Nang banggitin ni Lapid ang pahayag ng isang abogado sa telebisyon na hindi umano nagsasabi ng totoo ang mga politikong naghahain ng SALN, sumagot si Batu: “Ako po, nagsa-submit ako ng totoong SALN.”

Batay sa mga halagang binasa sa pagdinig, tumaas ang idineklarang net worth ni Duterte mula P71,658,841 noong 2022 tungong P98,656,131.20 noong 2025, o pagtaas na P26,997,290.20 habang siya ay bise presidente.

Mula naman sa P7,250,497 noong 2007, umakyat ito ng P91,405,634.20 pagsapit ng 2025.

Nilinaw ng impeachment court na ang mga SALN bago naging bise presidente si Duterte ay maaari lamang gamitin bilang panimulang paghahambing. Hindi maaaring gamitin ang mga ito upang magdagdag ng mga paratang kaugnay ng kanyang mga dating posisyong hindi sakop ng impeachment.

Sinabi ni Batu na mababasa at mapatutunayan lamang niya bilang records custodian ang mga nakasulat sa SALNs. Wala siyang personal na kaalaman sa pinagmulan o katotohanan ng mga ari-arian, negosyo, utang at halagang idineklara ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.