Calendar
NATIONAL ID BAGO MAG-SOCMED; GAMIT NG MINORS DAPAT MAY GABAY—LACSON
NAIS ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na gawing pangunahing patunay ng edad ang National ID sa social media at higpitan ang paggamit nito ng mga menor de edad kapag walang sapat na gabay.
Iniharap ni Lacson ang mga mungkahi noong Lunes habang tinatalakay sa plenaryo ang Senate Bill No. 2424 o panukalang Child Online Safety and Protection Act, na ini-sponsor ni Sen. Robinhood Padilla.
“Ang panukala ko, pagdating sa period of amendments, gawin nating must ang basis, gawin natin ang National ID o ano ang backup ID na pwedeng gamitin para documented,” ani Lacson.
Panukalang amyenda pa lamang ang paggamit ng National ID bilang pangunahing age check at hindi pa ito bahagi ng inaprobahang batas.
Sa kasalukuyang bersiyon ng panukala, hindi papayagang magparehistro sa social media ang mga wala pang 16. Ang mga edad 16 hanggang wala pang 18 ay maaaring gumamit nito kung susunod sa mga patakaran sa pagpapatunay ng edad at kaligtasan ng mga bata.
Pinuna ni Lacson ang mga paraang gaya ng sariling pagdeklara ng edad, pagpapatunay ng third-party provider at paggamit ng artificial intelligence upang tantiyahin ang edad ng user.
“Pag naglatag tayo ng discretion, maglilikha tayo ng butas upang paikutan ang pagpapatupad ng batas na ito,” aniya.
Iminungkahi niyang gawing pangunahing batayan ang National ID, habang maaaring gumamit ng backup ID o ibang paraan ang mga platform.
Hindi pa tinutukoy ng panukala ni Lacson kung kokolektahin ng mga platform ang kopya ng ID o tatanggap lamang ang mga ito ng kumpirmasyon na nakapasa ang user sa itinakdang edad.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, maaaring gamitin ang pisikal, papel o digital na National ID bilang patunay ng pagkakakilanlan at edad. Maaari ring gumamit ng token sa online authentication upang hindi kailangang ibigay ang kumpidensiyal na National ID Number.
Sa pagbanggit sa datos ng PSA, sinabi ni Lacson na saklaw na ng National ID registration ang halos 96 porsiyento ng populasyon. Hindi niya binanggit ang batayan at petsa ng naturang bilang.
Bukas na rin ang National ID registration sa mga bata, kabilang ang mga sanggol, ngunit kailangan pa rin silang iparehistro ng kanilang magulang o guardian.
Nais din ni Lacson na panatilihin ang paghihigpit sa mga edad 16 at 17 at gamitin ang dalawang taon sa senior high school para sa sistematikong pagtuturo ng responsable at ligtas na paggamit ng social media.
“Hindi ba mas coherent to maintain the restriction throughout the age of minority and use the two SHS years for structured social media and digital literacy education so they understand the risks of social media before gaining unrestricted access at 18?,” ani Lacson.
Sinabi niyang dapat higpitan ang paggamit ng social media ng mga menor de edad kapag walang sapat na gabay sa bahay o paaralan.
“Alisin natin ang age restricted, pagbawalan natin ang access na walang supervision,” aniya.
Iminungkahi rin ni Lacson na bigyan ang Department of Information and Communications Technology ng kapangyarihang dinggin ang mga reklamong administratibo, tukuyin ang pananagutang administratibo at magpataw ng kaukulang parusa sa mga lalabag.
Nagpahayag si Padilla ng pagiging bukas sa mga panukalang amyenda ni Lacson.
