Guteza

Pekeng notaryo kailangang ipaliwanag ni Guteza

328 Views

IGINIIT ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson na dapat isailalim sa kumpletong record check at background investigation (RCBI) si Orly Regala Guteza matapos ang kanyang testimonya sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes.

Ayon kay Lacson, iniharap si Guteza, na nagsabing siya ay dating Marine at dating security consultant ni Rep. Elizaldy Co, nang walang paunang abiso. Idinagdag niyang lalong lumalala ang usapin dahil sa isyu ng notaryo na lumitaw sa affidavit ng testigo.

“Without the courtesy of notice even to the committee chairman, a totally surprise witness in yesterday’s Blue Ribbon hearing, a complete record check and background investigation on Orly Regala Guteza is in order owing to the gravity and seriousness of his testimony yesterday,” ani Lacson sa isang post sa X.

Mariing itinanggi ng abogadong si Petchie Rose Espera na siya ang nag-notaryo o naghanda ng affidavit, at iginiit na “palsipikado at walang awtorisasyon” ang pirma at notarial details na nakasaad doon.

Samantala, ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Justice and Human Rights Committee, dapat magpaliwanag si Guteza ukol sa umano’y pekeng notaryo. “At magpaliwanag si Guteza paano nangyari ito dahil hindi biro, forgery, falsification of public documents. Kaya kailangan sa susunod na hearing ma-clarify ito at magpapaliwanag,” aniya.

Dagdag pa niya, “During the hearing under oath, hindi maliwanag. Hindi valid. Walang saysay, parang scrap of paper lang ang salaysay na yan. And there are legal consequences dahil falsification.” Binigyang-diin ni Pangilinan na apektado ang tiwala ng publiko sa Senado kung hindi ito matutugunan.

Sinabi pa ng senador na nagiging pira-piraso ang testimonya ni Guteza dahil sa sunod-sunod na supplemental affidavits. Nagbabala siya na kung magiging evasive ang mga testigo, maaari silang ma-cite in contempt.

Si Sen. Rodante Marcoleta ang nagharap kay Guteza sa hearing matapos umano itong i-refer sa kanya ni dating Rep. Michael Defensor. Sa kanyang salaysay, sinabi ni Guteza na nagdala umano siya ng mga maleta ng pera na tinaguriang “basura (trash)” sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez. Mariing itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon.

Samantala, nilinaw ni Lacson na walang magiging problema kung iimbitahin ng Senado si Co sa susunod na pagdinig ukol sa umano’y korapsyon sa flood control projects. Iginiit niyang ang inter-parliamentary courtesy ay para sa institusyon at hindi sa indibidwal na miyembro ng Kamara. Tiniyak din niyang iimbitahan sina Sunwest at dating Ilocos Sur Gov. Luis Singson sa mga susunod na sesyon.